285 total views
Hinimok ng opisyal ng Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) ang kabataan na tularan ang dalisay na puso ni Saint Camillus de Lellis.
Ayon kay Bangued, Abra Bishop Leopoldo Jaucian, Chairman ng CBCP-Episcopal Commission on Youth- si Saint Camillus o San Camillo ay isang huwaran at matapat na tagasunod ng Panginoon kaya naman bilang mga kabataan na upang maging tagapagpahayag ng salita ng Diyos.
“Ang incorrupt na puso ni St. Camillus ay isang modelo at isang halimbawa ng tunay na matapat lalong-lalo na sa mga kabataan, na pagsunod kay Kristo na sana mga kapatid sa lahat ng mga kabataang Filipino, alalahanin natin yung ating tema ngayong taon na kabataang Filipino na sinusugo sa misyon na sila ay minamahal, pinagpala, at ngayo’y sinusugo ng Panginoon para ibahagi ang Kan’yang pagmamahal,” bahagi ng pahayag ni Bishop Jaucian sa Radyo Veritas.
Dagdag pa ni Bishop Jaucian na sa gitna ng maraming hamon sa buhay na dulot ng iba’t-ibang usaping panlipunan at mga suliranin sa bayan ay mahalagang maging matatag ang pagtitiwala ng kabataan sa kalooban ng Panginoon upang tulad ni San Camillo ay buong puso nitong maialay ang kanilang buhay.
“Mga kabataan, tularan natin ang pag-aalay ng buong puso sa Panginoon, lalong-lalo na sa anu mang hamon ngayon sa mundo, magtiwala po tayo na kung inalay natin ang buong puso natin sa Panginoon ay siksik liglig, umaapaw ang Kan’yang biyaya para sa atin,” ayon kay Bishop Jaucian.
Itinuturing namang biyaya ni Father Linus Nicasio, SVD, Rector at Parish Priest ng National Shrine of St. Jude Thaddeus ang pagbisita ng hindi naaagnas na puso ng Santo sa pambansang dambana.
Ayon sa Pari, isang pambihirang pagkakataon na madala at makapag-venerate sa puso ang mga mananampalatayang Filipino dahil bibihira lamang itong pahintulutan na mailabas sa Roma at madala sa ibang bansa.
Malaking pagkakataon din sa mga kabataan, mga mag-aaral lalo na sa mga may karamdaman na makapag-alay ng panalangin at makahingi ng tulong sa Panginoon sa pamamagitan ni San Camillo ng Lellis.
“Ito po ay pambihirang pagkakataon, kung talagang pupuntahan ninyo ito ay sa Roma pa kayo pupunta upang mabisita ito pero sa awa ng Panginoong Diyos at biyaya ng Panginoon ay nadala dito ang incorrupt heart of St. Camillus,” pahayag ni Fr. Nicasio sa Radyo Veritas.
Matatandaang ika-2 ng Pebrero nang dumating sa bansa ang Incorrupt Heart Relic o ang higit 400-taong hindi naaagnas na puso ni Saint Camillus de Lellis.
Bumisita ito sa iba’t-ibang mga Simbahan at ospital mula sa mahigit 19 na mga diyosesis sa buong bansa.
Ngayong araw ika-30 ng Marso dadalaw din ang puso ng Santo sa Manila Cathedral mula ika-30 ng Marso hanggang sa ika-31 ng buwan bago bumalik sa Roma.
Anim na taon na ang nakalipas ng unang naganap ang Journey of the Heart ni St. Camillus sa Pilipinas noong February 18, 2013 hanggang March 10, 2013.