2,407 total views
Nanawagan ang espesyalista sa publiko na huwag maniwala sa mga haka-haka kaugnay sa pagkalat ng Novel Corona Virus (nCoV).
Ayon kay Infectious disease specialist Dr. Edwin Dimatatac ng Ospital ng Muntinlupa, kinakailangan lamang na pakinggan ang mga paalala at panuntunan ng Department of Health (DoH) at ng World Health Organization (WHO).
Ito ay upang hindi na makadagdag pa sa kaguluhan at pangamba hinggil sa pagkalat ng sakit.
“…maganda po sa mga kababayan natin ay makinig at magbasa doon lang po sa legit na advisory ng DoH at WHO,” ayon pa kay Dimatatac.
Ayon pa sa dalubhasa, ito ay isang bagong sakit at wala pang natutukoy na gamot kaya’t pinapairal lamang ng pamahalaan ang higit na pag-iingat tulad na rin ng pagku-quarantine sa mga turista at nagkaroon ng contact sa mga nagmula sa China sa loob ng 14 na araw.
“Magtiwala sa gobyerno at tumulong sa gobyerno. Pagtulong-tulungan para hindi kumalat ang virus,” ayon kay Dimatatac.
Sapat na rin ayon kay Dimatatac ang paggamit ng surgical mask upang makaiwas na mahawa sa nCoV habang ipaubaya naman ang mga N95 mask sa mga health workers dahil ang mga ito ang mas lantad sa iba’t ibang uri ng sakit.
Sa kasalukuyan, umaabot na sa 490 ang nasawi sa nCoV sa China, isa sa Pilipinas at naitala na rin ang isa pang nasawi sa Hongkong.