249 total views
Kapanalig, nakakasakal na ang korupsyong sumisikil sa bayan ngayon. Ating nakikita sa nangyayaring Senate Hearing na pati mga medical equipment gaya ng PPEs at facemask ay nagamit na sa korupsyon. Hindi ba’t nakakapagduda na ang isang kompanya na maliit lamang ang kapital ay na-awardan o nabigyan ng kontratang may halagang P8.68 billion para sa procurement ng mga PPEs at testing kits na sa kalaunan ay nadiskubre pang overpriced. Kasunod ito ng COA findings na nagsasabi na kulang ang dokumentasyon at supporting papers para sa P45.89 bilyong halaga ng transaksyon ng Department of Health.
Habang ang sambayanang Filipino ay hinihingal na dahil sa sakit o di kaya sa paghahabol ng kita, mayroon pa lang mga kawatan na nagnanakaw ng pera ng bayan. Ang nakakalungkot pa rito, habang nagkakandamatay ang marami nating kababayan, sabi pa ng ating pangulo noon, wala ng pera. Wala ng pera, pero may pambili pala tayo ng overpriced PPEs at face masks.
At syempre, kahit na naaninag na natin ang mga ugnayan ng sanga-sangang pandemic pandarambong, walang aamin. Kailangang, mag-play victim – nahalata niyo ba kapanalig ang mga sagot ng mga tauhang iniimbistigahan ngayon – winarak niyo kami, bugbog na kami, binully niyo kami. Pero ang tanong kapanalig, sino ba ang tunay na biktima dito? Hindi ba’t ang ordinaryong mamamayang Filipino?
Mamulat sana ang ating mga mata sa nangyayari sa bayan ngayon. Hindi ba’t ang pangulo mismo ang nagsabi na “One whiff of corruption, you’re out.” Aba’y masangsang na masangsang na ang amoy ng korupsyon, pero asan na ang delicadeza? Sa halip na itaguyod ang check and balance sa ating lipunan, niyuyurakan pa ang mga institusyong nangunguna sa pagtugis ng korupsyon. Hindi pa sila nakuntento, personal na ang atake.
Kapanalig, baboy na baboy na ang ating bayan. Nakadapa na nga sa hirap ang mamamayan, andami ng namamatay, pero eto, malinaw na hindi pa rin tayo ang prayoridad. Kada linggo, sa halip na impormasyon sa ating laban sa pandemya at iba pang mahahalagang isyu ng bayan ang ating naririnig, panibagong tirada lagi sa mga kritiko ng pamahalaan ang laging bumubulaga sa madla. Ganito ba ang nais nating liderato sa ating bayan? Ito ba ang pagbabagong ating hinintay?
Ayon sa Pacem in Terris, ang pag-unlad ng lipunan ay nakasalalay sa dedikasyon ng otoridad sa pagpapatibay ng mga institusyon nito at sa pagkilos para sa kabutihan ng balana. Sinasabi naman ng Deus Caritas Est na “As Augustine once said, a State which is not governed according to justice would be just a bunch of thieves.”
Sumainyo ang Katotohanan.