188 total views
Kagyat ang pangangailangan para sa maayos at saktong tugon sa krisis ng pandemya na bumabalot sa bansa ngayon. Sumirit na naman ang dami ng COVID 19 infections sa bayan, at dahil kaunti pa lamang ang bakuna, malabong bumaba ang bilang nito kung status quo lamang ang gagawin din.
Pero kapanalig, may mga iba pang problema ang bayan na kailangan din ng kagyat o urgent na solusyon. Ang pinakamatingkad dito ay ang climate change. Kapanalig, ang mga epekto ng climate change sa buong mundo ay hindi natin maaring ipag-walang bahala. Ang mga impact nito ay maaring magdulot ng extinction event – isang pangyayaring maaring lumipol sa sangkatauhan.
Nitong nakaraang taon, naranasan natin sandali ang malinis na simoy ng hangin at maaliwalas na kalawakan. Dahil sa mga lockdowns na dulot ng pandemya, nabawasan ang mga emisyon ng tao sa kalawakan. Ayon sa World Meteorological Organization (WMO), bumaba ng halos 17% kada araw ang emisyon sa buong mundo noong April 2020.
Kaya lamang kapanalig, kahit pa nabawasan ang emisyon, nakipagtunggali pa rin ang 2020 sa ibang taon para sa 1st place ng pinaka-mainit na taon na natala sa daigdig. Ayon sa WMO, ang 2016 ang pinaka-mainit on record, at sumunod dito ang 2020. At ang mga taon mula 2016 hanggang 2019 ang may pinakamalaking konsentrasyon ng carbon dioxide sa ating kasaysayan.
Ang pandemya at ang climate change ay parang nagsanib ng pwersa noong 2020 sa ating bayan. Hindi ba’t sinabayan ng bagyong Ulysses ang COVID 19 noong nakaraang taon? Kung hindi natin bibigyan ng sabay na atensyon ang mga isyung ito, mas magiging mahirap sa kalaunan para sa ating lahat.
Kapanalig, kahit tayo ay maliit at mahirap na bansa, marami pa rin tayong magagawa upang masugpo hindi lamang ang paglaganap ng sakit kundi ang paglaganap din ng climate change. May akmang pahayag mula sa Global Climate Change: A Plea for Dialogue, Prudence, and the Common Good ng US Catholic Bishops. Ayon sa kanila: True stewardship requires changes in human actions.
Kapanalig, mahirap man, sa atin magmumula ang pagbabago. Para sa pandemya, ibayong pag-iingat ang kailangan at ang tuloy-tuloy na pagpapa-alala sa pamahalaan ng kanilang responsibilidad. Para sa climate change, ang internasyonal na kooperasyon at ang tuloy-tuloy na pagyakag sa mga bansa, lalo na sa mga highly-industrialized countries, na kumilos na. Lahat tayo dito ay may taya. At kung hindi tayo sabayang kikilos para sa ikakabuti ng lahat, mag-uunahan lamang ang mga natural na sakuna at mga sakit upang pahirapan, at sa kalaunan, lipulin, ang sangkatauhan.
Sumainyo ang Katotohanan.