716 total views
Ito ang mensahe ni Diocese of Cubao Bishop Honesto Ongtioco para sa mga taong nawawalan na nang pag-asa dahil sa patuloy na epekto ng coronavirus disease sa lipunan.
Sa panayam ng Radio Veritas, sinabi ni Bishop Ongtioco na marahil ang nagaganap na krisis sa kapaligiran ay paraan ng Diyos upang mas patatagin ang pananampalataya ng tao lalo na ngayong panahon ng mga pagsubok.
“Siguro ngayon, lalo na sa mga dumaan na maraming pagsubok, sangkap ng buhay ng tao, kung minsan hindi naman dahil gusto ng Diyos na tayo’y pahirapan. Ngunit ito ay paraan upang lalong tayo’y tumibay, mag-mature, maging hinog, maging solido ang ating pananampalataya at paniniwala sa Diyos,” bahagi ng pahayag ni Bishop Ongtioco sa panayam ng Radio Veritas.
Sinabi naman ng Obispo na patuloy na sinisikap ng simbahan ang pagsasagawa ng online masses upang patuloy na maihatid sa mga mananampalataya ang mabuting balita ng Panginoon habang nananatili sa mga tahanan at nag-iingat laban sa epekto ng COVID-19.
“Salamat sa Diyos, may digital technology, may live streaming o online mass para maalagaan din ang pananamplataya ng mga tao at patuloy silang magkaroon ng pag-asa,” ayon kay Bishop Ongtioco.
Paliwanag naman ni Bishop Ongtioco na ang mga imahen ng mga banal o mga istruktura ng simbahan ay sumisimbolo na palagi nating kapiling ang Diyos.
Nagpapahiwatig ito ng pag-asa upang maging matatag sa kabila ng iba’t ibang pagsubok na nararanasan ng bawat tao ngayong pandemya.
“So kapag nakakita tayo ng religious image o symbol o kaya ng simbahan, sinasabi na kailanman di tayo nag-iisa. Kasama natin ang Diyos sa bawat sandali kaya tumawag lang. Humingi sa kanya ng tulong, humingi sa kanya ng lakas at pagpapala,” saad ni Bishop Ongtioco.
Batay sa huling ulat ng Department of Health, naitala nito ang pinakamataas na bilang ng panibagong kaso ng COVID-19 sa bansa na umabot sa 17,231, habang naitala naman ang 5,595 na mga gumaling at 317 ang mga nasawi.
Sa kabuuang bilang na 1,807,800 naging kaso ng virus sa bansa, nasa 123,251 rito ang aktibong kaso.