208 total views
Mga Kapanalig, hanggang sa araw na isinusulat natin ang editoryal na ito, naitala ang pinakamaraming kaso ng nagpositibo sa COVID-19 sa isang araw sa ating bansa. Pumalo ito sa mahigit 18,000, ayon sa Department of Health (o DOH). Humigit 130,000 ang active cases o mga nahawahan ng sakit at nagpapagaling. Kinumpirma rin ng DOH na nagkaroon na ng community transmission ang Delta variant, ang mas nakahahawang variant ng COVID-19. Dahil dito, nananatili ang mga lockdown at marami ang hindi pinapayagang lumabas at magbalik sa kanilang hanapbuhay.
Paano pa nga ba nakakaagapay ang mahihirap nating kababayan?
Ayon sa bagong pag-aaral ng Ateneo de Manila University, marami sa mga mahihirap nating kababayan ay lalong nalubog sa kahirapan. Bago pa man ang pandemya, karamihan sa kanila ay umaasa sa maliliit na negosyo o micro-enterprises para sa kanilang pang-araw-araw na gastusin. Batay sa datos na nakalap sa unang enhanced community quarantine (o ECQ) noong 2020, isa sa bawat tatlong mahihirap na pamilya (o 35%) ang nakaranas ng matinding pagbaba ng kita. Marami ang kumikita noon ng sampung libong piso kada buwan o mas mababa pa. Kakaunti lamang sa kanila (o 3% lang) ang nagsabing tumaas ang kanilang kita sa isang buwan. Ngunit kung titingnan ang kita ng mga pamilyang kasama sa survey, higit kalahati (o 54%) sa kanila ay mababa na ang kinikita bago pa man ang pandemya. Sabi ng mga mananaliksik mula sa Ateneo, mahirap isiping mas bumaba pa ang kanilang kita; maaaring tuluyan na silang nawalan ng income. Ang resulta ng isinagawang pag-aaral ay katulad ng lumabas sa survey na isinagawa ng Social Weather Stations (o SWS) noong 2020 kung saan halos kalahati (o 48%) sa mga na-interview ang nagsabing itinuturing nilang “mahirap” ang kanilang pamilya.
Sa pagsusuri ng mga researchers sa pangkabuuang ekonomiya ng bansa, hindi nila inaasahang makaka-recover ang ating bansa sa susunod na taon. Maaring sa 2023 pa raw mahabol ang target na kabuuang produksyon at serbisyo sa buong bansa. Dahil dito, maaaring tumaas pa ang bilang ng mahihirap sa ating bansa o ‘di kaya’y lalo pang maghirap ang dati nang mahirap. Hindi ito magandang balita.
Napakalaking banta at epekto ang hatid ng pandemya hindi lamang sa ating kalusugan kundi pati sa ating kabuhayan. Mas nakararami ang hindi maaaring lumabas upang magkahanapbuhay. Marami rin ang tuluyang nawalan ng trabaho. Sa paulit-ulit at paiba-ibang lockdown na ipinatutupad ng pamahalaan, hindi lamang ang ekonomiya ng bansa ang talo. Talo ang karaniwang tao at ang mahihirap na walang ibang inaasahan. Ito ang dahilan kung bakit malaking tulong ang ayuda para sa hikahos sa buhay sa panahon ng lockdown.
Isa sa mga prinsipyo ng panlipunang turo ng Simbahan ang pagkiling sa mahihirap o preferential option for the poor. Dahil ang pinakawalang-wala ang pinakaapektado ng mga krisis, gaya na lamang ng pandemya, marapat lamang na sila ang bigyang-tuon ng pamahalaang nangangasiwa ng pondo ng bayan. Sabi nga ni Pope Francis sa kanyang apostolic exhortation na Evangelii Gaudium, ang pagsama natin sa mahihirap ay mahalaga sa pagpapalaganap at pagsasabuhay ng Salita ng Diyos. Nakaugat ang pagkiling sa mahihirap sa pagkilala sa kanila bilang tao, na sila ay kagaya ng bawat isa sa ating nilikha sa imahe ng Diyos.
Mga Kapanalig, wika nga sa Eclesiastico 4:1-10, hindi natin dapat ipagpaliban ang pagtulong sa mga nangangailangan. Sa bawat araw na walang maipanggastos ang mga kababayan natin para sa pang-araw-araw nilang pangangailangan, buhay nila at ng kanilang mga anak ang nanganganib. Tayo sa Simbahan ay patuloy na nagbibigay ng tulong sa abot ng ating makakaya, ngunit sa huli, tungkulin nating lahat ito at ng pamahalaang pinagkatiwalaan nating gugulin ang ating buwis para sa kapakanan ng mahihina.