1,683 total views
Iginiit ni Tagbilaran Bishop Alberto Uy na ang pang-aabuso ng tao sa inang kalikasan ay maituturing na paglapastangan sa Diyos.
Ayon kay Bishop Uy, nais ipadama ng Diyos ang Kanyang pag-ibig sa pamamagitan ng mga nilikhang likas na yaman na handog para sa sangkatauhan.
Ipinaliwanag ng Obispo na bagamat ang kalikasan ay maituturing na handog ay hindi pa rin ito pagmamay-ari ng tao bagkus ipinagkakatiwala lamang ng Diyos upang pangalagaan at pagyabungin para sa kapakanan ng mga susunod na henerasyon.
Sa ganitong paraan, hinahangad ng Diyos na madama mula sa mga tao ang pag-ibig sa pamamagitan ng pagiging mabubuting katiwala ng nag-iisang tahanan.
“We can’t love God and abuse the earth. We show our love for the creator by our stewardship of creation.” bahagi ng pagninilay ni Bishop Uy.
Ang pagninilay ng obispo ay kaugnay na rin sa pakikibahagi ng Diyosesis ng Tagbilaran sa pagdiriwang ng Season of Creation ngayong taon upang sariwain at panibaguhin ang tungkulin ng bawat isa sa pagiging katiwala ng kalikasan.
Magsasagawa naman ng iba’t ibang gawain ang diyosesis sa buong Setyembre tulad ng pagtatanim ng mga puno, paglilinis sa mga dalampasigan at mga ilog, at mga pagsasanay at pagbabahagi ng kaalaman sa wastong pagtatapon ng basura.
Tema ng Season of Creation 2023 ang Let Justice and Peace Flow na hango sa mga kataga ni Propeta Amos, upang bigyang-pansin ang hinaing ng kalikasan na malayang makamtan ang katarungan at kapayapaan sa kabila ng mga pinsalang tinamo dahil sa labis na pang-aabuso ng mga tao sa mga likas na yaman.