2,599 total views
Hinimok ni Apostolic Nuncio to the Philippines Archbishop Charles John Brown ang mananampalataya na isabuhay ang panawagan ng Kanyang Kabanalan Francisco na pangalagaan ang kalikasan.
Sa pagninilay ng nuncio sa isinagawang Popes Day mass sa Manila Cathedral binigyang diin nito ang pagkakaugnay ng ‘moral and environmental beauty’ kung saan tungkulin ng bawat kristiyano ang pagtataguyod sa kalikasan. Sinabi ng arsobispo na gampanin ng mamamayan ang igalang ang nilikha ng Diyos sapagkat ito ay kaloob sa sanlibutan.
“We’re also called to respect the beauty of God’s creation around us in nature; we cannot fail to be concerned when we see environmental degradation around us,” bahagi ng pagninilay ni Archbishop Brown.
Binigyang diin ng nuncio ang mabubuting halimbawa ni St. Francis sa pangangalaga ng kapaligiran na naging inspirasyon ng Santo Papa sa paglikha sa ensiklikal na Laudato Si.
Paliwanag pa nito na inilalarawan sa Salita ng Diyos ang kagandahan ng mundo na nilikha ng Panginoon at ang kabutihan ng Diyos sa sangkatauhan.
“Scripture invites us to see nature as a magnificent book in which God speaks to us and grants us a glimpse of His infinite beauty and goodness,” ani ng arsobispo.
Bukod dito binigyang pansin din ni Archbishop Brown ang mga dakilang gawa nina Apostol San Pedro at San Pablo sa pagsasabuhay sa mga turo ni Hesus at naging mabuting halimbawa ng mamamayan. Ang dalawang apostol ang tinaguriang haligi ng simbahang katolika na buong puso at katapatang sumunod sa kalooban ng Panginoon. Dahil dito hinikayat ng kinatawan ni Pope Francis ang bawat mananampalataya na paigtingin ang pakikipag-ugnayan sa Panginoon.
“We, you and I, through the sacraments, through prayer, through acts of charity, we participate in God’s nature, God’s truth, God’s goodness, God’s beauty which is preparing us for the life of the world to come,” giit ni Archbishop Brown.
Kasabay ng pagdiriwang ng Popes Day ay pormal namang inanunsyo ng nuncio ang pagkakatalaga kay Manila Auxiliary Bishop Broderick Pabillo bilang Apostolic Vicar ng Taytay Palawan at Diocese of Malaybalay Administrator Msgr. Noel Pedregosa bilang bagong obispo ng Malaybalay.
Ang Popes Day ay taunang ginugunita ng simbahang katolika tuwing Hunyo 29 sa dakilang kapistahan nina Apostol San Pedro at San Pablo.