420 total views
Pinaalalahanan ng opisyal ng Vatican ang bawat isa na matutong pangalagaan ang ating nag-iisang tahanan.
Ito ang mensahe ng Kanyang Kabunyian Luis Antonio Cardinal Tagle, Prefect of the Congregation for the Evangelization of Peoples kaugnay sa bagyong Auring na nagdulot ng matinding pagbaha sa Surigao del Sur partikular sa Tandag.
Ayon kay Cardinal Tagle, ang pagtatapon ng basura tulad ng mga plastic ang pangunahing sanhi ng pagbabaha at lalo pang nakadaragdag sa pagkasira ng kalikasan.
Umaapela ang Kardinal na huwag basta-basta magtatapon ng mga basura sa mga daluyan ng tubig dahil bagyo magdudulot ito ng pagbaha at babalik din sa pamayanan ang mga basura.
Magdudulot din ito ng matinding epekto sa mga ilog, dagat, at mga yamang-dagat. “Ayaw natin na mababaha kaya huwag natin tapunan ng basura ang mga ilog, yung mga estero; kasi kapag bumaha, nagka-clog [ang mga kanal] dahilan para bumaha. Tapos kapag bumaha, ‘yung mga tinapon nating basura, babalik din sa kalye at sa mga bahay natin,” ayon kay Cardinal Tagle sa isang video sa Pontificio Collegio Filippino.
Batay sa tala ng lokal na pamahalaan ng Tandag, Surigao del Sur apektado ng bagyo at matinding pagbaha ang 146 barangay
Ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical, and Astronomical Services Administration (PAGASA), tinutungo ng bagyo ang Albay at Sorsogon makaraang mag-landfall sa Batag, Northern Samar nitong Pebrero 22.
Patuloy naman ang pagkilos ng Diocese ng Tandag Social Action Commission upang makapangalap ng impormasyon at makapagpaabot ng tulong sa mga higit na naapektuhan ng bagyo at malawakang pagbaha.