455 total views
Ito ang paalala ni Barangay Simbayanan priest anchor Fr. Luciano Felloni, director ng Novaliches Diocesan Ministry of Social Communications sa patuloy na banta ng novel coronavirus sa lipunan.
Ayon sa pari, kinakailangan na bukod sa pagsunod sa safety health protocol tulad ng pagsusuot ng facemask at physical distancing-kailangan ng bawat isa na palakasin ang resistensya ng katawan.
Giit ni Fr. Luciano kumain ng masusustansiyang pagkain, ehersisyo at sapat na pahinga bilang pananggalang mula sa iba’t ibang karamdaman lalo na ang novel coronavirus.
Gayundin ayon sa pari ang pangangalaga sa ating kaluluwa sa pamamagitan naman ng pakikipag-ugnayan sa Diyos at pagsasabuhay ng kabutihan sa kapwa.
‘Be very careful. And be careful spiritually. ‘Wag nating isipin na hindi mangyayari sa aking pamilya, kung may kailangang ayusin, ayusin na. kung kailangang iparamdam ang pagmamahal iparamdam na. kumbaga mabuhay tayo nang ganap habang may buhay and ingatan po natin ang buhay,’ ayon kay Fr. Luciano.
Paliwanag pa ng pari, ang pagtanggap sa katotohanan nang pagdating ng kamatayan sa hindi inaasahang panahon ay mahalagang maging handa sa kabilang buhay kasama ang Panginoon.