626 total views
Nanawagan sa pamahalaan ang Masungi Georeserve Foundation hinggil sa pangangalaga sa Masungi na bahagi ng Sierra Madre na matatagpuan sa bayan ng Baras, sa Rizal.
Nahaharap ngayon sa panganib ang Masungi Georeserve bunsod ng pag-angkin sa lupain at pagsasagawa ng quarrying na nakaaapekto naman sa Upper Marikina Watershed.
Ayon kay Billie Dumaliang, Advocacy Officer at Trustee ng grupo, nawa’y isaalang-alang ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang mga pagpapasya at pagkilos batay sa kapakanan ng kalikasan na siyang kapakanan din ng lahat ng sangnilikha.
Giit pa ni Dumaliang, kailangang suportahan ng pamahalaan at mga makakalikasang grupo ang pangangalaga at pagpapanatili ng Masungi sa halip na suportahan ang mga kumpanya na lalo lamang nag-aambag sa pagkasira ng kalikasan.
“Ang ating mga proyektong pangkalikasan ay nanganganib dahil sa mga interes na ito, at kailangan tayong maging vigilant hanggang hindi pa nawawala ang mga bantang ito,” bahagi ng pahayag ni Dumaliang sa panayam ng Radio Veritas.
Ibinahagi naman ni Dumaliang na may inaatasan silang mga park rangers o mga tagapagbantay upang mabantayan ang bawat protected areas sa Masungi.
Nakikipag-ugnayan din ang grupo sa iba’t ibang mga ahensya upang makatuwang sa pagpapanatili ng kagubatan.
Ayon kay Dumaliang, “Ito ang pangunahing dahilan kung bakit hindi pa natin maalagaan ang ibang lugar sa project site na kailangang-kailangan na ng rehabilitasyon. Kailangan nating maabot at maalagaan ang mga ito upang maiwasan ang pagbabaha, landslides, at pagkawala ng tubig.”
Hamon naman ng grupo sa bawat isa na walang dapat katakutan sa pagpapahayag ng tinig para mapangalagaan ang kalikasan.
Naniniwala si Dumaliang na kung magsasama-sama ang lahat upang itaguyod ang pangagalaga sa kalikasan, mababago ang hinaharap at maisasalba ang Masungi, at ang watershed na itinuturing nating iisa at natatanging tahanan.
Batay sa Laudato Si ni Pope Francis, mahalaga ang pagiging mapagmatyag ng komunidad upang matiyak na wasto at may moral na pamantayan ang pagpapatupad ng pamahalaan ng mga batas na nangangalaga sa kalikasan.