1,136 total views
Tutukan ang pangangalaga sa mga migranteng Pilipino at biktima ng pang-aabuso sa ibang bansa.
Ito ang ibinahagi ni Scalabrinian Father Fabio Baggio, undersecretary ng Vatican Dicastery for the Promotion of Integral Human Development-Migrants and Refugees Section sa mga itinalagang opisyal ng bagong tatag na Diocesan Migrants Ministry ng Diyosesis ng Balanga.
Ayon kay Fr. Baggio, malaking bagay ang pagsasakripisyo ng mga migranteng Pilipino sa pakikipagsapalaran sa ibayong dagat upang mabigyan ng magandang kinabukasan ang mga naiwang pamilya dito sa Pilipinas.
Binigyang-diin ng opisyal ng Vatican na mahalagang malaman ng isang migrante ang lahat ng impormasyon upang hindi maging biktima ng pang-aabuso sa ibang bansa.
“Every migration should be in foremost decision. When somebody is going to decide to migrate, he or she should be able to have all the necessary information in order not to be tricked, not to be cheated, and not to be trafficked,” pahayag ni Fr. Baggio.
Sinabi pa ng pari na tungkulin din ng simbahan na suportahan at pahalagahan ang mga pamilya lalo na ng mga anak ng mga migranteng Pilipino na nangungulila sa kanilang presensya.
“It’s not easy for the children to go out without the presence of one of their parents. And this is why special support should be provided to them in order to understand the new situation of the family and to cope with the different difficulties which they just fear,” ayon sa opisyal ng Vatican.
Naniniwala naman si Fr. Baggio na sa kabila ng pagsasakripisyo ng mga migrante upang maghanapbuhay sa ibang bansa, misyon din nila ang pagpapalaganap ng pananampalataya kahit na saan mang dako ng daigdig.
Ito ang napansin ng pari sa mga Pilipino na kahit wala sa sariling bayang sinilangan ay hindi pa rin kinakalimutan ang tradisyon at pananampalatayang nakagisnan.
“There is a mission which is entailed in migration. A mission of proclaiming the faith that will learned in our birthplace, in our place of origin. There is a mission which is entrusted to every single migrant worker to be bearers and witnesses of their faith wherever they are,” saad ni Fr. Baggio.
Sa kabuuang tala ng pamahalaan, mahigit 10-milyong Filipino sa iba’t ibang bansa o katumbas sa halos 5-libong Filipino ang umaalis araw-araw upang maghanap-buhay sa ibayong dagat.
Una nang kinilala ng Kanyang Kabanalan Francisco ang mga migranteng Filipino na nagsasakripisyo para maitaguyod ang kanilang pamilya kahit na malayo sa mga mahal sa buhay.