2,074 total views
Ito ang mensahe ni Catholic Bishops’ Conference of the Philippines Vice President, Pasig Bishop Mylo Hubert Vergara sa Kapistahan ng Pagsilang ng Mahal na Birheng Maria.
Batid ng opisyal na maraming hamon ang kinahakaharap ng lipunan subalit mahalagang isaisip ng tao na ang kapanganakan ng Mahal na Ina ay ayon sa kalooban ng Diyos kaya’t bawat buhay ng tao ay may kaakibat na misyon sa sanlibutan.
“Like every birth napakahalagang makita na ang birth of the Blessed Mother gives the importance and significant message na pangalagaan at pahalagahan ang buhay.” pahayag ni Bishop Vergara sa Radio Veritas.
Tinukoy ni Bishop Vergara ang iba’t ibang banta sa buhay ng tao tulad ng pagsasabatas ng aborsyon ng ibang mga bansa kung saan inaalisan ng karapatan ang mga sanggol na masilayan ang mundong nilikha ng Diyos.
Apela ng obispo sa mamamayan na magkaisang isulong ang kahalagahan ng buhay mula sa pagsilang hanggang sa natural na kamatayan.
Inaanyayahan din ni Bishop Vergara ang mananampalataya na pagnilayan ang pagsilang ni Maria bilang tanda ng muling pagpapaigting sa mga gawain sa kristiyanong pamayanan.
“The birth of Mary should signal to us the birth of good works, what should be reborn in us in our Christian life is to do works of charity to the poorest of the poor.” ani Bishop Vergara.
Ito rin ay pagkakataong inaanyayahan ng simbahan ang mamamayan na mamuhay sa kabanalan tulad ng halimbawa ni Maria na buong pusong tumugon sa mensahe ng Panginoon na ipaglihi si Hesus na tutubos sa kasalanan ng sanlibutan.
Tuwing September 8 ay ipinagdiriwang ng simbahang katolika ang kapanganakan ng Mahal na Birheng Maria ang ikasiyam na buwan mula December 8 ang Immaculate Conception o ang paglilihi ni Santa Ana kay Maria.