23,812 total views
Homiliya para sa Pangwalong Araw ng Simbang Gabi, Sabado sa Ikatlong Linggo ng Adbiyento, 23 ng Disyembre 2023, Lk 1:57-66
Isa sa pinakamahalagang silbi ng linggwahe para sa tao ay ang pagbibigay ng pangalan sa mga bagay-bagay sa buhay natin. Kaya karamihan sa mga linggwahe ay mayroong diksyunaryo. Importante ang diksyunaryo lalo na kung dayuhan ka sa isang bansa at di mo pa gaanong alam ang salita nila.
May isang pamangkin ako na nagbiyahe sa Spain. Dahil marami tayong mga salitang Tagalog na hiram sa Espanyol akala niya laging pareho ang ibig sabihin ng mga ito sa Kastila, katulad ng “cuchara”, “tenedor”, “cochillo” at iba pang gamit sa mesa. Laking gulat niya na ang “derecho” hindi pala pasulong kundi pakanan sa Espanyol. Ang “siempre” hindi pala “of course” ang ibig sabihin kundi “always”. At minsan, dahil may monthly period siya, nagpunta siya sa drug store at sinabi sa tindero na kailangan niya ng “pasador.” Tanong ng tindero, anong klase daw na pasador? Sabi niya kahit anong brand. Binigyan siya ng pang-ipit ng buhok. “Hair pin” pala ang “pasador” sa Kastila. Paano kaya siya naging sanitary napkin sa Pilipinas?
Sa ibang mga linggwahe, iba ang paraan ng pagtatanong ng pangalan. Imbes na “Ano ang pangalan mo?” ang tanong ay “Paano ka tinatawag?” Pag di natin mahagilap ang salita para sa ibig nating sabihin, minsan hihingi tayo ng tulong. Imu-muwestra mo sa kamay at sasabihin, “Ano nga ba ang tawag sa ganoon?” (Btw, Espanyol din iyan—galing sa mostrar, muestra—ipakita). Ewan ko kung paano minuwestra ng pamangkin ko ang binibili niyang pasador at tuloy hair pin ang binigay sa kanya.
May mga sitwasyon sa buhay ng tao na mahirap talagang pangalanan, hindi lang ang mga bagay-bagay kundi pati mga karanasan at pangyayari sa buhay. Kapag na-shock ang tao o na-trauma sa isang pangyayari, o kapag dumanas siya ng matinding trahedya o pagkasindak, parang nauumid ang dila niya, walang masabi, para si Zacarias. (Marami akong nakitang nagkaganoon sa mga kapamilya ng mga EJK victims.). Sa mga ganyang sitwasyon minsan malaki ang naitutulong ng counselor. Bahagi ng paghilom ang mapangalanan at matanggap ng tao ang kanyang pinagdadaanan. Ang counsellor ay para ding gumaganap sa papel ni Angel Gabriel.
O katulad ng ginawa ni Hesus sa dalawang alagad sa Emmaus nang nagpakita siya at di nakilala, nakilakad, nakinig at nagpaliwanag upang tulungan silang maunawaan ang mga pinagdaanan nilang trahedya sa Jerusalem. Ang inaakala nilang kabiguan sa krus ay isa palang tagumpay, isa palang katuparan ng plano ng Diyos ayon sa Kasulatan. Hindi sila bumalik hangga’t hindi nila napangalanan nang tama ang mga nangyari sa Jerusalem. (Luke 24)
Kahit mahalaga ang pananahimik sa buhay natin, meron din palang pananahimik na hindi mabuti. Baka di natin alam dumaranas na pala ng matinding depression ang tao at delikado ang pwede niyang gawin sa sarili, lalo na kung walang kasama o kaantabay. Mas mabuti kapag natulungan silang magkuwento, masabi ang kanilang nararamdaman.
Sa tingin ko, kung ang balita ni Gabriel ang dahilan ng pananahimik ni Zacarias, si Maria naman ang naging daan para makapagsalita siyang muli. Doon sa aking sinulat na librong Yeshua, nag-“reading between the lines” ako. Noong nakikialam ang mga kapitbahay tungkol sa pangalang minumungkahi nilang ibigay sa bagong-silang na anak ni Elisabet, dahil naroroon sa background si Maria at posibleng siya ang tahimik na pumapapel bilang yaya o baby-sitter, palagay ko si Maria din ang gumawa ng paraan para maudyok si Zacarias na makapagsalitang muli. Palagay ko siya ang nagdala sa bata kay Zacarias at nagsabi, “Kuya, sina-suggest ng mga kapitbahay na tawaging Zacarias Junior itong anak mo. Pero si Ate Elisabet, Juan daw pangalan ng bata.” Alin sa dalawa? At noon muling nabuksan ang bibig niya.
Noon din ginampanan ni Zacarias ang papel ng “pagbibigay pangalan”, bilang tanda na kinikilala niya ang bata bilang kanya. Kaya malaking bagay para sa mga Hudyo ang ritwal ng pagbibigay-pangalan. Kaya pala, tulad ng nabanggit ko kanina, sa ibang mga bansa, imbes na “What is your name?” ang sabihin para alamin ang pangalan, ang tanong nila—halimbawa sa Aleman ay “Wie heissen Sie?” O “How are you called?” (Paano ka tinatawag? ) Ang pagbibigay-pangalan ay sabay na pagpapahayag na rin ng pagtawag o bokasyon at misyon. Kaya sinabi ng mga kapitbahay, “Magiging ano nga kaya ang batang ito?” Magiging tanda ng kagandahang-loob ng Diyos—ito ang ibig sabihin ng Juan. Hindi lang ito pangalan kundi orakulo. Sayang dahil Linggo bukas, hindi na natin maririnig ang Awit ni Zacarias (Ang Benedictus) nang mabuksang muli ang bibig niya. Sasabihin niya, “Ikaw anak ay magiging propeta ng kataas-taasang Diyos, sapagkat mauuna ka sa kanya upang ipaghanda siya ng daan, upang ipaalam sa kanyang bayan ang pagliligtas na kanyang gagawin sa pamamagitan ng pagpapatawad sa kanilang mga kasalanan.” Hindi lang siya nagbigay ng pangalan; ipinahayag din ang magiging kinabukasan ng bata.
Ito ang dahilan kung bakit tayo naglunsad ng DSPP sa ating diocese. Upang katulad ni Zacarias, mapangalanan din natin, hindi lang mga prayoridad na dapat nating tutukan sa ating pagpaplano. Hindi naman ang gusto natin kundi ang gusto ng Diyos ang layunin natin para sa pagbubuo ng simbahang sinodal na nagkakabuklod, nakikilahok at nagmimisyon. Kailangan din nating pangalanan ang nandiyan na, ang nangyayari na, ang isinisilang na sa ating piling, ang Kristong tumawag sa atin upang makiisa sa kanyang misyon, upang ang dito sa lupa ay maging simula na ng langit.