29,471 total views
Pinawi ni Taytay Palawan Bishop Broderick Pabillo ang pangamba ng mamamayan lalu na ang mga manggagawa sa agriculture sector sa epekto ng nararanasang El Niño at banta ng La Niña phenomenon.
Hinimok ni Bishop Pabillo ang mamamayan na huwag mawalan ng pag-asa at patuloy na manalangin sa ikabubuti ng panahon.
Ipinagdarasal ng Obispo na ang krisis na idinudulot ng matinding tag-init ay gamitin ng mamamayan upang paigtingin ang pananampalataya.
Ito ay dahil dala ng El Niño Phenomenon ang tagtuyot na naging sanhi ng pagkasira ng mga pananim at pagkamatay ng mga alagang hayop.
“Ngayon po ay nararanasan na natin ang El Niño, marami pong bahagi ng ating bansa lalung-lalu na dito sa amin sa Palawan ay nararamdaman ang El Niño, tuyong-tuyo na po yun ating mga lugar kaya manalangin po tayo sa Diyos, alam po natin na may kinalalaman din ang Diyos sa pagsasa-ayos ng ating panahon,” pahayag ni Bishop Pabillo sa Radio Veritas.
Sa pinakahuling tala ng National Disaster Risk Reduction Management Council, umaabot na sa 1.75-billion pesos ang pinsalang idinulot ng El Niño sa sektor ng agrikultura partikular sa mga lalawigan sa North Luzon.
Hinikayat din ng Obispo ang mamamayan na paigtingin ang pangangalaga sa kalikasan upang mapigilan ang matinding pagbaha at landslide na magdudulot ng pagkasira ng pananim at mga imprastraktura.
Iniulat ng PAGASA Weather Forecasting Center na maaring maranasan ang La Niña o matinding pag-ulan sa buwan ng Hunyo, Hulyo at Agosto 2014.
“Manalangin po tayo, Diyos Amang mapagmahal, kayo po ang may hawak ng aming panahon humihingi po kami sayo na pagbigyan niyo po kami ngayon pong panahon ng El Niño nangangailangan po kami ng tubig, pagbigyan niyo po kami na umulan at palakasin ang aming pananalig sa iyo at inaasahan po namin na dadating din ang La Niña, sa ganun din Panginoon ay iligtas niyo kami sa anumang kasamaan sana po hindi kami masyadong magkaroon ng damage sa mga ulan, sa mga baha ito po ay nangangahulugan na maging dapat malakas ang panalangin sa iyo kaya pagbigyan niyo nawa kami at ilayo sa lahat ng kasamaan, hinihiling po namin ito sa pamamagitan ni Kristong aming Panginoon Amen,” ayon naman sa panalangin ni Bishop Pabillo para sa ikabubuti ng kalagayan ng Pilipinas mula sa El Niño at La Niña.
Patuloy naman ang pakikipagtulungan ng Diyosesis of Cabanatuan sa Local Government Units (LGU’s) ng tinaguriang Rice Granary of the Philippines upang maibsan ang epekto ng tag-init at matulungan ang mga magsasakang apektado