307 total views
Nilinaw ni Borongan Bishop Crispin Varquez na hindi dapat maalarma ang publiko sa naganap na pagsabog sa labas ng isang seminaryo sa Borongan Eastern Samar.
Ayon kay Bishop Varquez, walang makitang motibo ang diyosesis at maging ang mga otoridad upang atakihin ang Seminario de Jesus Nazareno.
Nilinaw ng Obispo na walang matatalim na bagay ang nakita sa sumabog kundi ito ay isang paputok lamang.
“Hindi dapat maalarma kasi wala namang possible motive at wala namang sharp objects, pulbura lang siya, pure paputok lang,” pahayag ni Bishop Varquez sa Radio Veritas.
Ipinaliwanag ng Obispo na walang dapat ikabahala sapagkat hindi nakikisangkot ang seminaryo sa mga usaping pampulitika at wala ring naiulat na may nagagalit sa seminaryo o sa pamunuan nito.
Batay sa pahayag ni Fr. Edmel Raagas, ang Spiritual Director ng seminaryo, alas 6:45 ng gabi noong ika – 19 ng Mayo ng magkaroon ng malakas na pagsabog sa exit gate ng Seminario de Jesus Nazareno sa Baarangay Campesao.
Ayon pa sa Obispo, may posibilidad na mga lasing ang may kagagawan sa paghagis ng paputok sa compound batay na rin sa salaysay ni Fr. Raagas na may mga indibidwal na nag-iinuman malapit sa seminaryo.
Sinabi pa ni Bishop Varquez na walang nasira o nasugatan sa naganap na pagsabog dahil kasalukuyang nasa bakasyon ang mga seminaristang nag-aaral dito.
Aniya, hindi dapat mangamba ang publiko dahil maayos na naipatutupad ng mga otoridad ang pagpapanatili sa kapayapaan sa buong Borongan.
“Very peaceful ang Borongan, walay problema sa peace and order [walang problema sa peace and order],” ani pa ni Bishop Varquez.
Gayunpaman, patuloy na hinimok ng mga otoridad ang mamamayan na manatiling alerto at mapagbantay sa paligid upang makaiwas sa anumang karahasan at kaguluhan.
Magugunitang ika – 27 ng Enero nitong taon nang magkaroon ng dalawang pagsabog sa loob ng Jolo Cathedral na ikinasawi higit 20 katao habang halos 100 indibidwal naman ang nasugatan.
Ika – 4 ng Pebrero naman nang ianunsyo ni PNP Chief Director General Oscar Albayalde ang pagsuko ni Kammah Pae na itinuturong main suspect sa insidente at hinihinalang kasapi ng teroristang Abu Sayaff Group.