254 total views
Patuloy na itinataguyod ng University of the Philippines – Philippine General Hospital Chaplaincy ang pamamahagi ng tulong at suporta sa mga pasyenteng naka-admit sa ospital lalo na sa mga higit na nangangailangan.
Ito ang paraan ng UP-PGH Chaplaincy upang sa simpleng paraan ay makatulong sa mga pasyente na maibsan ang ibang alalahanin sa kabila ng mga iniindang karamdaman.
Ayon kay Jesuit priest Fr. Marlito Ocon, head chaplain ng ospital na maliban sa pagbisita sa mga pasyente upang maghandog ng mga panalangin at sakramento, namamahagi rin ang chaplaincy ng mga pangunahing pangangailangan para sa mga charity patients.
“Hindi naman kami huminto sa aming regular visit sa COVID wards. Maliban sa aming usual visits to COVID patients to pray over and anoint them, we continue the feeding, pagbibigay ng [pagkain] every morning sa mga bantay na nasa labas ng [Emergency Rooms]. Patuloy din ang pamimigay namin ng groceries para sa lahat ng charity patients,” bahagi ng pahayag ni Fr. Ocon sa panayam ng Radio Veritas.
Maliban naman sa pamamahagi ng mga pagkain ay sinisikap rin ng chaplaincy na mamahagi ng mga facemasks at alcohol sa mga bantay ng bawat pasyente bilang proteksyon laban sa COVID-19.
Kaugnay nito, nananawagan naman si Fr. Ocon para sa mga nais na magbigay ng donasyon at suporta upang maipagpatuloy ang kanilang pagkakawanggawa para sa mga higit na nangangailangan.
“Kami po ay kumakatok sa inyong puso na sana po kayo ay makatulong sa amin para matulungan din ang mga pasyente. Sana’y maipagpatuloy namin ang pamamahagi ng mga pangunahing pangangailangan nila, kung mayroon mang pwedeng tumulong. Mahalaga rin po ang pamimigay namin ng alcohol at facemask, kung mayroon pong gustong tumulong sa ganitong uri ng pangangailangan nila, welcome po at bukas po kami na tumanggap at humingi ng tulong para dito,” panawagan ni Fr. Ocon.
Nababahala naman si Fr. Ocon para sa kaligtasan ng mga non-COVID patients dahil sa pagtaas ng bilang ng mga pasyenteng nahawaan ng COVID-19 na dinadala sa PGH.
Batay sa ulat, umabot na sa 169 ang kumpirmadong COVID-19 patients o 75-porsyento ng 225 kapasidad ng COVID-19 Intensive Care Unit ng nasabing ospital.
Naitala naman ng Department of Health noong Agosto 7 ang 2,823 panibagong kaso – ang kasalukuyang pinakamataas na bilang ng mga nahawaan ng virus sa Metro Manila sa loob lamang ng isang araw.
Kasalukuyan namang umiiral ang Enhanced Community Quarantine sa buong Metro Manila hanggang Agosto 20, 2021.