167 total views
Tinugunan na ng Caritas Manila at Quiapo Church ang panawagan ng Diocese of Antipolo sa pangangailangan ng mga biktima ng pagbaha sa Montalban, Rizal.
Nagpadala ang Quiapo Church at Caritas Manila ng 481 foodpacks, mga hygiene kits at thermos sa mga apektadong residente ng Southville 8-B Montalban.
Naka-monitor din ang Simbahang Katolika sa mga pagbaha at epekto ng Habagat sa iba’t-ibang lalawigan at siyudad sa bansa.
Sa Camanava area, patuloy na nag-iikot at nagmomonitor si Father Benedict Cervantes, ang Social Action director ng Diocese of Kalookan.
Ayon kay Fr. Cervantes, balak nilang makipag-ugnayan sa Caritas Manila ang Social Arm ng Archdiocese of Manila upang makapaghanda na ng mga relief goods sapagkat nagdudulot na ng mga pagbaha ang Habagat bagama’t hindi pa man ito ganap na bagyo.
“We are still estimating lalo na yun mga possible pa na lalong maapektuhan,” pahayag ni Fr. Cervantes.
Sa Pampanga, Kumikilos na ang Social Action Center ng Archdiocese of San Fernando upang alamin ang tulong na kakailanganin sa mga binahang lugar.
Batay sa datos na ipinadala ng SACOP sa Damay Kapanalig Program ng Radyo Veritas, nasa 180 pamilya pa ang nananatili sa mga evacuation Center sa city of San Fernando, Sto. Tomas,Bacolor,Floridablanca, Mexico at Guagua.
Naka-antabay na din ang Caritas Manila para tumugon sa pangangailangan ng mga naapektuhan ng habagat partikular na siyudad ng Maynila kung saa 100 kabahayan ang sinasabing naapektuhan ng dumaan na buhawi kasabay ng pananalasa ng Habagat sa bansa.