212 total views
Pinangunahan ng Vincentian Foundation ang pamamahagi ng mga gamit eskuwela sa ilang malalayong komunidad sa Compostela Valley.
Mahigit sa 300 mga bags, hygiene kits at mga gamit sa paaralan ang hinatid ng Foundation sa Pongpong Cagan Andap, Awao at New Bataan sa lalawigan ng Compostela Valley.
Ayon kay Rev. Fr. Gerald Borja CM, Executive Director ng Vincentian Foudation, nais nilang marating at maipamalas ang pagtulong maging sa mga malalayong komunidad.
“Marami pang mga taong dapat tulungan sa mga malalayong lugar na halos hindi pa naabot ng development and progress, Sila ang mga totoong nasa periphery geographically, economically and socially kasi isolated sila talaga at nangangailangan ng pagtulong.” Pahayag ni Borja sa panayam ng Radio Veritas.
Aminado si Fr. Borja na hindi madali ang pagtungo sa mga isolated communities gaya ng Pongpong Elementary School kung saan kinakailangan lumakad ng mahigit sa isang oras para lamang marating ito.
“Nakita ko na ang mga community na ito just reaching them geographically is a challenge, you need to take risk lalo na sa actual na pagtulong kailangan mo na sumugal parating may component ng risk pero hindi ito hadlang para makatulong tayo sa kanila dahl dito lang natin maipapamalas na may nagkalinga at nakakaalala sa kanila” paliwanag pa ni Fr. Borja.
Aminado ang Pari na maraming ginagawa ang Simbahan na hindi naipapamalas sa publiko ngunit nagpapatuloy pa din ito at ginagawa ang tunay na pagtulong.
“Well ang Simbahan sa pagkakalam ko hindi yan nagmamayabang in fact kahit kami sa Vincentian Foundation hindi kami sanay na ipaalam ang ginagawa namin, marami tayong ginagawa generally wala sa atin ang i-advertise ang ating ginagawa talagang pagtulong lang talaga.”pahayag ng Pari
Umaasa si Fr. Borja na kung mapagkakalooban ng karagdagang pondo ay marami pa silang pinaplano na programa para direktang makatulong sa mga komunidad sa Compostela Valley na minsan nang nakaranas ng pananalasa ng bagyong Pablo taong 2011 kung saan halos 2 libo ang nasawi.
“Marami kaming plano gaya ng savings mobilization lalo na sa mga bata sana mapalakas yun habit ng savings. Nakikita namin na very practical ito at hindi kailangan ng malaking organizing, nakita namin na savings talaga ang best way din for them to be resilient. Maganda din dito mag-start ng Day Care Center na savings based, magkaroon ng program for Farming at Micro finance dito meron kaming tinatawag na COMVALIKAT (Community-Valued Inclusive Capacities for Adequate Tenure) na nais namin palakasin ang savings mobilization na towards development.”pagbabahagi ng pari sa Radio Veritas
Ang Vincentian Missionaries Social Development Foundation Inc. ay itinatag taong 1991.