582 total views
Naniniwala ang Catholic Bishops’ Conference of the Philippines – Episcopal Commission on Prison Pastoral Care na bahagi rin ng tungkulin ng Simbahan na makatulong sa pagtugon sa kakulangan bilang mga ama at ina ng mga bilanggo sa kanilang mga pamilya.
Ito ang ibinahagi ni Diocese of Legazpi Bishop Joel Baylon – chairman ng komisyon kaugnay sa paggunita ng Fathers’ Day kung saan karamihan sa mga bilanggo ay mga kalalakihan at mga padre de pamilya.
Ayon sa Obispo, batid ng Simbahan ang kahirapan ng mga pamilya dahil sa pagkakabilanggo ng mga ama ng tahanan at gayundin ang pagnanais ng mga bilanggo na patuloy na matugunan ang pangangailangan ng kanilang mga naiwang pamilya.
“Nakikita din natin bilang tungkulin ng Simbahan sa mga ama na hindi otherwise maipaabot ang kanilang pagmamahal sa kanilang mga pamilya ay yun nga mga pamilya nila na naiwan dito sa labas ay mabigyan din ng pagkakataon [na matulungan] lalong lalo na yung mga nahihirapan because wala nga ang kanilang bread-winner nasa bilangguan.” pahayag ni Bishop Baylon sa panayam sa Radio Veritas.
Pagbabahagi ni Bishop Baylon bukod sa pagtugon ng komisyon sa mga pangangailangan ng mga bilanggo sa panahon ng pandemya ay tinututukan na rin sa ngayon ng CBCP- Episcopal Commission on Prison Pastoral Care ang pagtulong sa pamilya ng mga bilanggo.
Paliwanag ng Obispo, puspusan ang isinasagawang pagsusumikap ng komisyon upang maipadama sa pamilya ng mga bilanggo ang pag-asa at biyaya sa kabila ng mahirap na sitwasyon na pagkakawalay sa kanilang mahal sa buhay.
“Ito ang nagagawa ng Simbahan not so much directly towards the fathers because they are most of our PDLs (Persons Deprived of Liberty) are mga lalaki, may mga mothers din sa loob pero for those mga fathers na hindi pwedeng mapagkalooban ng hanapbuhay ang kanilang mga anak at kanilang mga pamilya ay nandun yung pagsisikap ng Prison Pastoral Ministry to reach out to their families.” Dagdag pa ni Bishop Baylon.
Nilinaw naman ni Bishop Baylon na hindi lamang sa pamamagitan ng tulong pinansyal nakapagpapaab ang Simbahan sa pamilya ng mga bilanggo kundi lalo’t higit sa pamamagitan ng pagkakaloob ng spiritual assistance upang mapanatili ang pananampalataya at pag-asa sa puso ng bawat isa na muling mabuo ang kanilang mga pamilya.