2,689 total views
Kapanalig, paulit ulit ang ating pagkakamali, lalo na kung ukol sa kalikasan.
Marami na siguro ang nakalimot sa pagsasara sa publiko ng Mount Banahaw. Sikat na sikat ang napakagandang bulkan na ito. Naging pilgrimage site ito dahil marami ang naniniwala na ang Banahaw ay banal. Nakakagaling diumano ang mga bukal nito at ang mga kweba nito ay sinasabing mahiwaga. Sikat din ito noon sa mga hikers dahil sa kalapitan nito sa Manila.
Dahil sa dami ng mga bumibisita sa Banahaw, na-abuso ito. Sari saring basura ang naitapon, na nagbunsod sa pagsasara nito sa publiko noong March 2004. Kailangan ng bulkan ng panahon para maibalik ang dating ganda nito: ang panahon ng pagsasara ay para sa kanyang rehabilitasyon. Hanggang ngayon, sarado pa rin ang bulkan, at pinag-isipan na permanente na itong isara dahil noong nakaraang taon lamang, malaking bahagi ng bulkan ang nasunog dahil diumano sa ilang tao umaakyat pa rin dito. Hindi pa nga umaabot sa tunay na rehabilitasyon ang Banahaw, ang Mount Apo naman ngayon ang namememilgro.
Nakakapanghinayang ang mga pangyayaring ito kapanalig dahil sinasayang nila ang mga bunga ng samu’t saring mga pagkilos upang pangalagaan ang ating kalikasan. Base sa datos ng National Greening Program, kada taon, mahigit pa sa target area ang kanilang mga lugar na natatamnan simula pa 2011. Noong 2015, natamnan na nito ang 1,352,147 hektarya. Nabawasan na rin ang mga illegal logging hotspots sa ating bansa. Simula 197 noong 2010, bumaba ito ng 31 noong 2015.
Kapanalig, taon ang kailangan upang makabawi tayo sa mga pang-aabuso sa ating kalikasan. May mga pagkakataon pa nga na hindi natin mababawi, tulad ng pagkamatay ng mga endangered species.
Hindi lamang paghihinayang sa nasirang kalikasan ang dapat nating maramdaman, kapanalig, kapag nasisira ang ating kapaligiran. Dapat din makaramdam tayo ng lungkot at takot, dahil sa tuwing nasisira ang ating kalikasan, namemeligro din ang ating buhay at kinabukasan.
Ayon sa panlipunang turo ng Simbahan: True stewardship requires changes in human actions—both in moral behavior and technical advancement. Kung hindi tayo magbabago, mamemeligro hindi lamang ang ating kapaligiran, kundi buhay natin mismo pati na ng susunod na henerasyon.
Sa puntong ito, magising sana tayo ng paalala ng ating dating Papa, si Pope Benedict, sa Caritas in Veritate: The way humanity treats the environment influences the way it treats itself, and vice versa.”