195 total views
Maituturing na handog sa Panginoong Hesukristo ang pangangalaga sa kalikasan ngayong darating na Pasko.
Ayon kay Manila Auxiliary Bishop Broderick Pabillo, Chairman ng CBCP Episcopal Commission on the Laity, dapat laging tandaan ng mamamayan na mahalagang maging masinop at iwasan ang labis na pagkakalat ngayong pasko.
Mungkahi ng Obispo, kung maaari namang mag-recycle ay gamitin na lamang ang mga lumang pambalot ng regalo upang hindi na madagdagan pa ang mga basura.
Dagdag pa ni Bishop Pabillo, hangga’t maaari gumamit ng mga biodegradable at iwasan ang paggamit ng mga plastic o hindi nabubulok na mga bagay.
“Sa atin din pong pagdiriwang ng kapaskuhan pangalagaan din natin ang kalikasan, maraming bagay ang puwedeng iwasan kung may mga wrappers tayong gagamitin, gamitin po natin ang biodegradable hindi yung mga plastic, at iwasan po natin ang maraming nakabalot na hindi naman nabubulok,” ayon sa obispo sa panayam ng Radio Veritas.
Ayon sa Metropolitan Manila Development Authority, noong 2014 umabot sa 42 truckloads ang mga basurang nakolekta sa Metro Manila na katumbas ng humigit kumulang 300 tonelada ng basura na nakolekta simula pasko hanggang unang araw ng Enero 2015.