779 total views
Umaasa si Kalookan Bishop Emeritus Deogracias Iñiguez na mabubuksan ang kamalayan ng mga mananampalataya sa pagkilala sa kapangyarihan ng Panginoong lumikha sa sanlibutan sa pagsisimula ng Seasons of Creation.
Ito ang mensahe ng Obispo sa Banal na Misa sa pagsisimula ng Season of Creation noong unang araw ng Septyembre sa Christ the King Mission Seminary kung saan ginanap ang makahulugang Walk for Creation.
Ayon sa Obispo, ang unang araw ng Septyembre na siya ring pandaigdigang araw ng pananalangin para sa sanilikha ay pagpapahayag ng pagkilala sa kapangyarihan at pagmamahal ng Panginoon sa mga tao at sa lahat ng kanyang nilalang.
Ipinagdarasal ng Obispo na mapukaw ang mas malalim na pagpapahalaga ng bawat tao sa bawat bahagi ng kalikasan.
“Ito ay kagaya nung ating matutunghayan duon sa Laudato Si ng ating Papa Francis, ang araw na ito ay pagpapahayag ng ating pagkilala sa kapangyarihan sa pagmamahal at sa pagpapahalaga ng Diyos sa ating mga tao.” pahayag ni Bishop Iñiguez sa Radyo Veritas.
Hinimok naman ng Obispo ang mga mananampalataya na pangalagaan ang kalikasan.
“Sa ating mga kapanalig sana maging simula ito na talagang mabuksan ang ating kamalayan at pagkilala sa tunay na katuturan ng paglikha ng Diyos sa atin at sa iba pang mga nilikha na ito ay pagpapahayag ng kanyang dakilang kapangyarihan at pagmamahal sa ating lahat at tayo ay kan’yang binabahaginan ng kapangyarihang yan, tayong mga tao.” Ayon kay Bishop Iñiguez
Samantala, nagpasalamat naman si Fr. John Leydon, MSSC – Convener ng Global Catholic Climate Movement Pilipinas sa suportang ipinakita ng mga mananampalataya at ng simbahang Katolika sa adbokasiya ng pangangalaga sa kalikasan gayun din sa mga dumalo sa Walk for Creation.
“Ito ay napaka gandang pahiwatig na ang ating simbahan ay bukas na sa panawagan ng Diyos sa ating panahon para sa lahat ng tao na kumilos na bago mawasak ang ating kapaligiran” pahayag ni Father Leydon sa Radyo Veritas.
Sa tala ng GCCM-Pilipinas umabot sa 3,000 mga mananampalataya ang nakilahok sa ikalawang taon ng pagsasagawa ng Walk For Creation sa unang araw ng Septyembre 2018 sa Christ the King Mission Seminary.
Matatandaang noong ika-1 ng Septyembre 2017, ay pinangunahan ni Manila Abp. Luis Antonio Cardinal Tagle ang Walk for Creation na ginanap sa Luneta, kung saan tinatayang 5,000 mananampalataya mula sa iba’t-ibang mga parokya, paaralan, at institusyon ang nakilahok sa pagdiriwang.
Umaapela naman si Cubao Bishop Honesto Ongtioco sa mananampalataya na gamiting pagkakataon ang season of creation sa pagpapahalaga sa kalikasan.
Read more: Pagdiriwang ng Season of Creation, Gamiting daan sa pangangalaga sa kalikasan