4,010 total views
Hinimok ng Living Laudato Si Philippines ang mamamayan na simulan sa sarili ang pangangalaga sa kalikasan upang hindi maranasan ng sektor ng ekonomiya ang epekto ng climate change.
Ito ang mensahe ni John Leo Algo – Deputy Executive Director ng Living Laudato Si Philippines sa paggunita ng Earth Hour 2023.
“Simple ang mensahe ng “Earth Hour”: Lahat tayo ay apektado ng anumang krisis sa ating kapaligiran at kalikasan, lahat tayo ay may kakayahan na makatulong sa pag-aalaga ng ating nag-iisang tahanan, dapat nating gamitin ang pagkakataong ito bilang panibagong paalala sa ating lahat na magsagawa ng mga solusyong makatutulong sa pagresolba ng mga isyung pangkapaligiran at pagkamit ng ating pag-unlad,” mensahe ni Algo sa Radio Veritas.
Paanyaya pa ni Algo sa mamamayan na paigtingin ang pananawagan sa korporasyon na iwaksi ang anumang uri ng gawaing magpapalala sa polusyon.
Kasabay ito ng pag-apela sa pamahalaan na magpatupad ng mga polisiyang pangangalagaan ang kalikasan.
“Dapat tayong magtulungan sa pagsasagawa ng mga proyekto at gawaing nakahanay sa likas-kayang kaunlaran; malaki man o maliit ang sukat, mahalaga ang bawat aksyon,” bahagi pa ng mensahe ni Algo.
Noong 2022, umabot sa 18-bagyo ang nanalasa sa Pilipinas kung saan ang Bagyong Paeng ang pinakamalaking pinsala sa agrikultura na umabot sa 2.86-bilyong piso.
Habang umabot naman sa mahigit 50-milyong piso ang pinsala ng mga pagyanig ng lupa na naitala noong nakalipas na taon.