4,355 total views
Tiniyak ni Military Bishop Oscar Jaime Florencio ang pagpapaigting sa mga programang mangangalaga sa persons deprived of liberty o PDL.
Ito ang mensahe ng obispo makaraang maihalal bilang chairman ng Episcopal Commission on Prison Pastoral Care ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines sa katatapos na 126th plenary assembly na ginanap sa Kalibo Aklan.
Sinabi ng punong pastol ng military diocese na isa itong pamamaraan upang higit maisabuhay ang mensahe ng Santo Papa Francisco na kalingain ang mga nangangailangan sa lipunan kabilang na ang mga bilanggo..
“It’s a task which the Holy Father keeps on reminding us: the people in the peripheries. The PDLs are the focus of the commission, I hope to continue and to intensify our care and love for them,” pahayag ni Bishop Florencio sa Radio Veritas.
Nagpasalamat si Bishop Florencio sa mga kasamahang obispo sa pagtitiwalang ibinigay na pangasiwaan ang prison ministry ng simbahan.
Sinabi ng obispo na magandang pagkakataon din ito lalo’t kasapi ng military diocese ang Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) na nangangasiwa sa mga piitan sa bansa.
Isa sa mga pinalalakas na gawain ni Bishop Florencio ang pagdalaw sa iba’t ibang kampo at tanggapan ng security forces ng bansa.
Magsisimulang manilbihan si Bishop Florencio sa prison ministry sa December 1, 2023 kahalili ni Legazpi Bishop Joel Baylon.