1,425 total views
Tiniyak ng liderato ng Kamara ang pagsusulong sa pangangalaga sa karapatan ng mga kabataan kasabay na rin ng taunang paggunita sa National Children’s Month tuwing buwan ng Nobyembre.
Sa katunayan, inihayag ni House Speaker Martin Romualdez na 15-panukalang batas ang nakabinbin sa Mababang Kapulungan para sa pangangalaga sa kalusugan at kapakanan ng mga bata.
Iginiit ng mambabatas na bilang mga kinatawan ng kapulungan ay ang tungkuling pagkikilala sa karapatan at pangangailangan ng mga bata.
“Suffice it to say that your House of Representatives stands united with those who seek to ensure that our children’s physical, emotional and mental health are sufficiently protected and secured,” ayon kay Romualdez.
Ang House Committee on the Welfare of the Children ay pinamumunuan ni BHW Party-list Representative Angelica Natasha Co.
Kabilang sa mga panukala ay ang magtatanggol sa kabataan laban sa karahasan maging sa pisikal o maging sa digital media at pagpapataw ng parusa sa mga lalabag.
Gayundin ang mga serbisyo para sa mental health na makakatulong sa bawat isa na humarap sa mga hamon ng buhay sa takdang panahon.
“The world has changed. Between social media and the COVID-19 pandemic, the world we once knew is no longer the world we live in now … These societal changes come with their own challenges,” dagdag pa ng mambabatas.
Una na ring nagbabala ang UNICEF sa pangmatagalan epekto sa mental health ng mga kabataan sa karanasan na dulot ng pandemya.
Bago pa ang novel coronavirus pandemic, may isa sa pitong bata sa buong mundo na nasa pagitan ng edad 10 at 19 ang na-diagnose na may mental-health disorder.
May 46-libo sa mga ito ang naitalang nagpapakamatay kada taon kung saan kabilang ang mental health disorder sa pangunahing dahilan.