638 total views
Sa ating bansa, napakahalaga ng water resource management o pangangalaga sa yamang tubig. Kapanalig, ang dami nating industriya na napaka-dependent sa tubig. Kapag magkaroon tayo ng kahit konting problema sa water supply, napakalaking epekto nito agad sa lokal at nasyonal na ekonomiya.
Tingnan mo na lamang kapanalig sa sektor ng agrikultura. Konting problema lamang sa water supply sa sektor, babagsak na agad ang produksyon – gutom ang magsasaka, pati mga mamamayan gutom din dahil dito tayo kumukuha ng ating food sources.
Siyempre napakahalaga ng pangangalaga ng tubig sa fisheries sector. Kada magkakaroon ng polusyon o anumang aberya sa karagatan, babagsak din ang harvest ng mga mangingisda. Gutom sila, gutom din tayo dahil isa rin ito sa ating food sources.
Kaya nga maraming nababahala ngayong panahon ng El Nino. Tinatayang mararamdaman natin ang epekto nito ngayon Hunyo hanggang Agosto, at maaaring mas lumubha pa pagdating ng unang sangkapat o quarter ng 2024. Kapanalig, naghahanda na ang pamahalaan para sa posibleng epekto nito sa ating bayan. Tama lamang ito, pero sana, mayroon din tayong long-term planning ukol sa pangangalaga ng yamang tubig ng bansa.
Ang ‘Ensuring availability and sustainable management of water and sanitation for all’ ay Sustainable Development Goal Number 6 ng United Nations. Ang tiyak na malinis at sustainable na supply ng tubig ay esensyal sa ating buhay kapanalig, kaya’t marapat lamang na hindi patse-patse ang ating pagtugon sa napipintong kakulangan sa tubig. May El Nino man o wala, ang buong mundo ay humaharap sa isang nagbabantang global water crisis. Ang global demand para sa freshwater ay sosobra na ng 40% sa kayang isupply ng mundo pagdating ng 2030. Pitong taon na lamang yan, kapanalig. Ayon sa mga eksperto, mali ang pag-gamit natin sa tubig, dinudumihan pa natin ang tubig, at binabago pa natin ang global hydrological cycle dahil sa gawain nating nagdudulot ng climate change.
Bilang mahirap at maliit ng bansa, ang mga bayang gaya natin ang mas magdudusa sa anumang water shortage. Ayon nga sa Laudato Si, bahagi ng Panlipunang Turo ng Simbahan: Water is a scarce and indispensable resource and a fundamental right which conditions the exercise of other human rights. Kaya kapanalig, napakahalaga na mayroon tayong long-term water resource management, hindi lamang mga knee-jerk reactions sa mga dumarating na krisis sa ating bayan. Napakahalaga sa atin ngayon ng collective action at long-term planning para masiguro na tiyak ang supply ng ating tubig – at hindi lamang tiyak kapanalig, ha, kundi abot-kaya at abot-kamay. Mahirap yung may suplay nga pero mahal ang singil. Ang tubig, kapanalig, ay common good, at dapat ito ay mapag-yaman at mapangalagaan para sa lahat.
Sumainyo ang Katotohanan.