800 total views
Isang taon na naman ang lilipas, kapanalig. Ikaw ba ay may bahay nang tunay na mong pagmamay-ari? O katulad ka ba ng maraming mga Filipino na nangungupahan pa hanggang ngayon, o nasa mga informal settlements pa, o nakatira sa mga tinatawag na rights – mga lupang walang titulo – at aandap-andap na baka palayasin ka anumang araw o oras? Kung oo, hindi ka nag-iisa, kapanalig. Karamay mo ang higit pa sa 4.5 milyong Filipino na nangangarap na magkaroon ng sariling bahay ngayong darating na bagong taon.
Kapanalig, paano nga ba magiging abot-kamay ang pabahay sa ating bayan ngayong 2023? Ito nga lang Nobyembre 2022, nanawagan ang housing department ng sapat na budget upang makapagtayo ng isang milyong pabahay kada taon. Kailangang kailangan ito dahil napakalaki ng ating housing backlog ngayon. 6.5 million ang housing deficit natin ngayong 2022 at pagdating ng 2028, lolobo ito ng 10.9 million.
Mainam sana na programa ito, pero hindi pa rin sapat upang tugunan ang ating housing gap. Maliban sa imprastraktura, may mga iba pang hamon sa mga mamamayan bago sila magkabahay.
Unang-una, pera. Andami ng nawalan ng trabaho ngayon at andami ang nagsisimula ulit matapos hagupitin ng pandemya pati na ng mga nagdaang bagyo. Maliit pa ang kita nila, at syempre, hindi kayang makabili ng bahay kahit pa utang ito. Pag maliit ang sweldo, hirap makakuha ng housing loan. Pag murang pabahay naman na abot kaya, sa mga malalayong lugar lamang matatagpuan, kung saan salat naman sa trabaho.
Balakid din sa pabahay, kapanalig, ang trabaho o ang kawalan nito. Kahit pa magtayo ng pabahay kapanalig, at naka-ipon ka upang makabili nito, lilipat pa rin sa mga informal settlements ang mga tao. Ilang beses na itong nangyari sa ating mga relocation sites. Kung walang kabuhayan sa mga pinaglipatan, babalik at babalik pa rin ang mga tao sa kanilang pinanggalingan.
Hindi pa kasali dyan kapanalig, ang availability ng mga health at education facilities, pati mga pamilihan at libangan, na mga mahahalagang salik sa disente at marangal na pabahay.
Noong bumisita si Pope Francis sa Homeless and Center for Health and Education at St. Patrick Parish, Washington, D.C., Noong Setyembre 2015, sinabi niya: “We can find no social or moral justification, no justification whatsoever, for lack of housing.” Inihayag rin sa Sollicitudo Rei Socialis, bahagi ng panlipunang turo ng Simbahan, na malayo pa rin tayo sa tunay na kaganapan ng ating pagkatao base sa kawalan ng disenteng tahanan para sa napakaraming mga tao.
Kung tunay na nais ng pamahalaan na matugunan ang housing backlog sa bayan, kailangang makita nito na whole of government approach ang kailangan -mula sa pagpili ng lokasyon hanggang sa paglipat. Kailangan interagency ang approach upang tiyak na matugunan ang iba-ibang pangangailangan ng tao. Hindi naman imposible ito dahil ang mga housing development plans nga ng mga pribadong sektor ay komprehensibo ang approach – kayang kaya din ito ng pamahalaan, kung seryoso sana nilang haharapin ang right to housing ng bawat Filipino.
Sumainyo ang Katotohanan.