358 total views
Umaapela sa mga mambabatas ang Teachers’ Dignity Coalition upang imbestigahan ang sinasabing panggigipit ng Government Service Insurance System (GSIS) sa mga guro na mayroong utang sa Institusyon.
Ayon kay TDC-NCR Chairman Ildefonso Enguerra III, ang deadline na ibinigay ng GSIS sa mga guro upang mabayaran ang kanilang utang hanggang sa unang araw ng Oktubre ang pangunahing kinahaharap na problema sa ngayon ng mga guro sa bansa partikular na sa National Capital Region.
Ipinaliwanag ni Enguerra na naiipit lamang ang mga guro sa magulong sistema ng pagpapautang at paniningil sa ilalim ng Automatic Payroll Deduction System (APDS) na ipinatupad ngayong taon na nagpapalobo sa interes ng utang.
“Ang number 1 naming kinahaharap dyan ay yung deadline ng GSIS, nagbigay sila ng deadline na dapat magbayad ang mga guro ng kanilang mga utang, ang binigay nilang deadline ay hanggang October 1 nalang, pinalobo niyo ang interest ngayon sasabihin niyo kasalanan ng guro…” pahayag ni Enguerra sa panayam sa Radyo Veritas.
Dahil dito, mariin ang panawagan ng Teachers’ Dignity Coalition upang makipagdayalogo sa Department of Education na kanilang Mother Agency upang matalakay ang naturang usapin at sila ay magabayan.
Sa tala ng TDC, sa 26,000 na gurong nagretiro noong nakalipas na taon ang wala nang natanggap o nakuhang benepisyo dahil sa utang ng mga ito sa GSIS.
Binibigyang diin ng Simbahan na kinakailangang kasabay ng pagpapatatag sa sistema ng edukasyon sa bansa ay ang pagkalinga sa kapakanan ng mga guro.