1,504 total views
Kapanalig, patong patong na krisis ang ang dinaranas ng ating mundo ngayon. Hindi biro ang mga hamon sa ating modernong buhay. Ang climate change at ang mga epekto nito ay resulta ng walang tigil na pag-gamit at pag-abuso ng mga resources o yaman ng ating mundo. Tayo, bilang mamamayan ng isang maliit, disaster-prone, at mahirap na bansa, ang unang biktima ng mga epekto nito, kahit pa hindi tayo ang pangunahing gumagamit ng mga fossils na nag-bubuga ng greenhouse gases. Sabi nga ni Pope Francis sa Laudato Si: the deterioration of the environment and of society affects the most vulnerable people on the planet: “Both everyday experience and scientific research show that the gravest effects of all attacks on the environment are suffered by the poorest.”
Ang problema ng kahirapan at gutom ay kalbaryo rin ng mas maraming tao ngayon. Ang pagbangon ng mga mamamayan mula sa pang-ekonomiyang epekto ng pandemiya ay mas mabagal at mas mahirap dahil marami pang panibagong isyu ang umusbong, gaya ng Russian invasion sa Ukraine, ang malawakang pagtaas ng inflation, ang pagmamahal ng presyo ng bilihin, kasama na ang mga inputs para sa agrikultura, ay nagpabagal ng pagbangon mga bansa mula sa COVID 19. Dito nga lamang sa ating bansa, umaabot pa ng mahigit 8% ang inflation rate.
Hindi lamang gutom ang epekto ng ganitong sitwasyon. Kapag nililimita lamang natin ang epekto ng kahirapan sa gutom, nalilimitahan din ang tugon natin dito. Kaya nga karaniwan, pag umaangal ang mga mamamayan sa taas ng bilihin, ayuda lamang ang tugon ng bansa.
Ang masidhing kahirapan ay lifelong ang epekto kapanalig. Pinupurol nito ang katawan at isip ng mga tao, tinatanggal nito ang kanilang access sa mga pangunahing pangangailangan, at tinatali nito ang mga mamamayan sa siklo ng kahirapan at pagdurusa.
Kapanalig, pag ganito lagi, tinatali rin natin ang mga Filipino sa kahirapan. Kung tunay tayong nanalig, hindi tayo magbubulag-bulagan sa kalbaryo ng ating kapwa. Paalala ng Lumen Fidei: ang liwanag ng ating pananalig ay dapat laging nagpapaa-alala ng mga pagdurusa ng ating kapwa sa mundo.
Sumainyo ang Katotohanan.