534 total views
Binigyang diin ni dating Commission on Elections Commissioner Rowena Guanzon na labag sa konstitusyon ang panghihimasok ng COMELEC sa mga pribadong lugar.
Ito ang pahayag ni Guanzon kasunod ng ‘Oplan Baklas’ ng mga campaign materials sa mga private property na lampas sa itinakdang 2 by 3 feet.
“Pag private property huwag nang makialam ang COMELEC kasi hindi naman yan sakop, ano ba ang karapatan ng COMELEC na mag-trespass; Saligang Batas dapat ang ating sinasandalan,” pahayag ni Guanzon sa Radio Veritas.
Aniya, hindi sapat na dahilan ang halalan upang pangunahan ng COMELEC ang sinasaad sa Saligang Batas kundi dapat sundin ang mga alituntuning itinakda.
Iginiit ng dating opisyal na ayon sa ruling ng Korte Suprema noong 2013 kaugnay sa “Team Buhay/Team Patay” tarpaulins ng Diocese of Bacolod kinatigan ito sapagkat ito ay karapatan ng bawat mamamayan o freedom of expression.
Ayon kay Guanzon hindi maaring limitahan sa COMELEC standard ang sukat ng mga tarpaulin sa private property lalo na kung malaki ang lugar na paglalagyan dahil maaring hindi lubusang maihatid sa publiko ang mensahe.
Ibinahagi ni Guanzon ang concurring opinion noon ni dating Justice Antonio Carpio na ang pagbabawal at panghihimasok ng COMELEC sa private properties ay pagsikil sa karapatan ng malayang pamamahayag na labag sa konstitusyon.
Matatandaang noong nakalipas na linggo inalmahan ng publiko ang pagtanggal ng mga pulis at election officer ng Isabela sa campaign materials ng isang kandidato sa loob ng pribadong lugar.
Planong sampahan ng kaso ang mga sangkot na kawani ng Philippine National Police sa pagbabaklas ng campaign materials.
“For practical reason wala na nga tayong mga staff, mahahabla pa ang mga pulis, hayaan nalang hangga’t hindi nagkaroon ng COMELEC En Banc review at resolution,” dagdag ni Guanzon.