421 total views
Bagamat sang-ayon na maging ‘neutral’ sa digmaan sa pagitan ng Russia at Ukraine, sinabi ni vice presidential candidate Dr. Willie Ong ng Aksyon Demokratiko na kailangang magpadala ng Pilipinas ng mga ‘medical practitioners’ upang gamutin ang mga may karamdaman at sugatan na dulot ng digmaan.
Ito ang panukala ni Ong sakaling palarin na manalo sa ikalawang pinakamataas na posisyon ng bansa sa nalalapit na halalan.
“Kung ako, Russia-Ukraine ako magpapadala ako atleast ng medical supplies o marami tayong heroic medical frontliners kahit sa medyo malayo. Away kayo, ako gagamutin sa Ukraine, sa Russia nuetral tayo,” ayon kay Ong.
Si Ong na isa ring ‘cardiologist’ ay ang kauna-unahang kandidato sa pagkapangalawang pangulo na naging panauhin ng Catholic E-Forum One Godly Vote voters education campaign ng media arm ng Archdiocese of Manila.
Ang Catholic E-Forum ay mapakikinggan at mapapanood mula ikawalo ng umaga hanggang ika-10 ng umaga, Lunes hanggang Biyernes.
Paliwanag ni Ong, ito ay bahagi rin ng ‘diplomacy’ at ‘foreign relations’ na nais niyang tutukan bilang pangalawang pangulo ng bansa kabilang na dito ang pagtulong sa mas mahihirap pang mga bansa.
Kabilang din sa mga polisiyang nais tutukan ni Ong ang pagsusulong sa pagpapabuti ng ekonomiya, mental health at moral recovery lalo na sa mga kabataan na epekto ng higit sa dalawang taong pag-iral ng pandemic novel coronavirus.
Bagamat nanatiling mababa sa ‘survey’ sa vice presidential race, ipinagpapasa-Diyos ni Ong ang kanyang kapalaran sa maaaring resulta ng 2022 National and Local Elections na gaganapin sa May 9.
“We will bring God back to the Philippines, lilinisin natin madumi ang pulitika. There is a way I have faith,” pagbibigay pa ng diin ni Ong.
Tiniyak din ni Ong na patuloy siyang tatakbo sa halalan hanggang sa makamit ang pagnanais na makapaglingkod sa sambayanang Filipino.
Sa panayam, sinabi ni Dr. Ong na nais niyang dalhin ang mabuting pulitika sa pamahalaan kung saan nasa sentro ang Panginoon.
“Feeling ko talaga ito ang God’s will para sa akin. Kung hindi manalo it’s doesnt matter, you go on to the next-2025 I will run, 2028, 2031 hanggang hindi ko na kaya, kasi ito ang mission or kaya dalhin ako ni God sa ibang misyon hindi ko masasabi. Kasi ang gusto natin talaga ay ang transformation di ba? Hindi natin maipipilit sa mga tao na magbago kayo. Dahil ang unang transformation ay sa puso natin,” ayon kay Ong.
Ipinagmamalaki rin ni Ong na dati na ring lumahok sa halalan sa pagkasenador noong 2019 na hindi siya tumatanggap ng ‘campaign funds’ upang makapagdesisyon ng ayon sa kaniyang nais nang walang tatanawin ‘utang na loob’.
“Pero ako talaga ayoko, dahil feeling ko may tali. I can decide fairly,” giit pa ng vice presidential candidate.
Si Dr. Ong ay may 16 M followers sa kaniyang You Tube channel na nagbibigay ng payong medikal na nagsimula 14 na taon na ang nakalipas.