207 total views
Hinimok ng pangulo ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) ang mamamayan ng Mindanao na apektado ng lindol na manatiling kalmado sa kabila ng mga pagyanig.
Ayon kay Davao Archbishop Romulo Valles, mahalagang iwasan ng mamamayan ang magpanik upang maisip ang mga gagawin para maging ligtas.
“Let us pray for calmness, not to panic,” pahayag ni Archbishop Valles sa Radio Veritas.
Ang paalala ng arsobispo ay kasunod ng 6.9 magnitude na lindol na yumanig sa malaking bahagi ng Davao del Sur ganap na alas 2:11 nitong ika – 15 ng Disyembre.
Hinikayat din ni Archbishop Valles ang mamamayan na sundin ang mga natutuhan sa mga isinasagawang earthquake drills.
“Let us try our very best to follow the known ‘what to do’ steps when an earthquake occurs,” paalala ng Arsobispo.
Sa inisyal na ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council, apat ang nasawi sa panibagong lindol sa Mindanao makaraang nabagsakan ng gumuhong pader ng bahay at gumuhong establisimiyento.
Ayon sa Philvocs, naitala ang sentro ng lindol sa Padada Davao Del Sur kung saan ito ay may tectonic origin at may lalim na 30 kilometro.
Nauna nang hiniling ni Digos Bishop Guillermo Afable ang panalangin ng Santo Rosaryo bilang sandata sa panahong nahaharap sa banta ng sakuna ang mamamayan.
Read: Obispo ng Digos, nanawagan ng panalangin kasunod ng 6.9 na lindol sa Davao del Sur
Samantala, hiling ni Archbishop Valles ang kaligtasan ng bawat mananamapalatataya lalo’t nagsimula na ang mga Misa De Gallo o ang siyam na araw na paghahanda sa kapanganakan ng Panginoong Hesus.
“And let us pray to the Lord for everyone’s safety.”