225 total views
Hindi dapat mawalan ng pag-asa ang bawat isa sa hatid na biyaya ng Panginoon para sa sangkatauhan.
Ito ang pagninilay ni Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) President Davao Archbishop Romulo Valles kaugnay sa pag-asang dapat na panghawakan ng bawat mananampalataya sa nararanasang kaguluhan, kalungkutan, kahirapan at kadiliman sa kasalukuyan.
Ipinaalala ni Archbishop Valles na ang muling pagkabuhay ni Hesus ay naghahatid ng pag-asa sa bawat isa sa kabila ng anumang hamon sa buhay.
Iginiit ni Archbishop Valles na ang pag-asang hatid ng Panginoon ay maituturing na liwanag at tanglaw ng bawat isa sa gitna ng kadiliman.
Tinukoy ng Pangulo ng CBCP ang mga masasamang nangyayari sa ating buhay tulad ng sunod-sunod na banta ng pag-atake sa mga Simbahan at maging ng natural na kalamidad gaya ng magkakasunod na lindol na naganap sa Pilipinas.
Kaugnay dito, hinimok ni Archbishop Valles ang lahat na manatiling matibay ang pananampalataya sa kaloob na biyaya ng Panginoon sa kabila ng anumang pagsubok sa buhay.
“In spite of the continuing darkness of the human situation, violence, poverty etc. parang good friday, calvary palagi ang buhay, in the resurrection of the Lord we are given hope. Hope that light and goodness will triumph not only that we are promised that eternal life is possible to us that means the resurrection of Jesus can be ours too if we remain faithful, keep our faith.” paalala ni Archbishop Valles sa panayam sa Radyo Veritas.
Nagpaabot naman si Archbishop Valles ng panalangin at pakikiramay sa lahat ng mga naapektuhan ng magkakasunod na lindol sa bansa partikular na sa Gitnang Luzon at Visayas kung saan tinatayang nasa 20-indibidwal na ang nasawi.