181 total views
Nagpahayag ng pakikiisa si Diocese of San Pablo Bishop Buenaventura Famadico sa hangarin at panalangin ni Catholic Bishops’ Conference of the Philippines President Davao Archbishop Romulo Valles para sa tagumpay ng kampanya laban sa illegal na droga sa ilalim ng pamumuno ni Vice President Leni Robredo.
Iginiit ni Bishop Famadico na siya ring chairman ng CBCP – Episcopal Commission on Clergy, iisa lamang ang layunin ng Simbahan at maging ng pamahalaan na maisaayos ang kalagayan ng bansa sa pamamagitan ng pagsugpo sa illegal na droga.
“Ako ay nakikiisa doon sa hangarin ni Archbishop (Romulo) Valles na sana’y magtagumpay itong hangarin din ng ating Pangalawang Pangulo (Leni Robredo) na mabigyan ng solusyon itong drug problem…” pahayag ni Bishop Famadico sa panayam sa Radyo Veritas.
Samantala nagpaabot rin ng suporta at panalangin ang Obispo para sa tagumpay ng panibagong misyon ni Vice President Leni Robredo bilang Co-Chairperson ng Inter-Agency Committee on Anti-Illegal Drugs (ICAD).
Ayon kay Bishop Famadico, nawa ay magkaroon ng patuloy na katapangan at kalakasan ng loob ang bise presidente upang gampanan ang kanyang panibagong tungkulin bilang drug czar sa kabila ng iba’t-ibang batikos sa kanyang plano at paraan ng pagsugpo sa kalakalan ng ipinagbabawal na gamot sa bansa.
“Panalangin ko na ang ating Pangalawang Pangulo (Leni Robredo) ay magkaroon ng lalong malakas na suporta at biyaya galing sa ating Panginoong Diyos sa kabila nung mga batikos na tinatanggap niya sapagkat ito naman ay para sa kagalingan ng ating kapwa Filipino…” dagdag pahayag ni Bishop Famadico.
Ika-6 ng Nobyembre ng pormal na tanggapin ni Vice President Leni Robrero ang hamon ng administrasyong Duterte na pangunahan ang kampanya laban sa ilegal na droga bilang Co-Chairperson ng Inter-Agency Committee on Anti-Illegal Drugs.
Kabilang sa tutukan at isaayos ng bise presidente ang pagpapanagot sa mga tiwaling opisyal ng bansa na nakapagpapalusot ng illegal na droga, pagtugis sa mga ninja cops, mga drug lords at ang pagbibigay katarungan maging sa mga inosenteng napaslang sa War on Drugs.
Matatandaang binatikos ni Department of Foreign Affairs Secretary Teodoro Locsin si Archbishop Valles matapos na manawagan ang Arsobispo ng panalangin sa matagumpay na kampanya laban sa illegal na droga sa ilalim ng pangangasiwa ni Vice President Robredo.