370 total views
Lubos ang pasasalamat ng pangulo ng Radio Veritas sa mga nag-alay ng panalangin para sa kanyang kagalingan matapos itong magpositibo sa nakahahawang coronavirus disease.
Ayon kay Fr. Anton CT. Pascual, at Executive Director din ng Caritas Manila, siya ay sumailalim sa self-quarantine sa loob ng 21 araw na payo ng kanyang doktor matapos itong makaramdam ng mild symptoms ng COVID 19.
Pagbabahagi ng pari na habang siya’y naka-self quarantine, patuloy siyang nagdarasal at nagnilay sa pinagdadaanang malaking hamon sa kanyang misyon sa pagiging lingkod simbahan.
“Maraming salamat sa mga panalangin at suporta ng paggaling ko sa covid infection. Ako ay nag-self quarantine ng 21 days at nagkaroon ng mild covid. Nakapagdasal tayo at nakapagnilay sa Buhay at Misyon,” bahagi ng mensahe ni Fr. Pascual.
Ipinapanalangin din ni Fr. Pascual ang patuloy na patnubay ng Panginoon Muling nabuhay sa mga mananampalataya at kapanalig upang patuloy na makamtan ang kaligtasan laban sa nakamamatay na sakit.
Gayundin ang kahilingang nawa’y makamtan na ng Pilipinas ang lubos na kagalingan at ang lunas para sa pandemya.
“Ipinagdasal din natin ang Radio Veritas Kapanalig at ang bansa sa panahong ito ng pandemya. Pagpalain tayo ng Panginoon Hesukristo na muling nabuhay at iligtas tayo sa pandemyang ito,” ayon kay Fr. Pascual.
Nabatid sa isinagawang RT-PCR swab test noong Marso na nagpositibo si Fr. Pascual at ilang opisyal at kawani ng Caritas Manila sa COVID-19.
Inihayag din ni Fr.Pascual na ang Easter Sunday ay simbolo ng pag-asa at tagumpay para sa mga Filipino na humaharap sa matinding epekto ng pandemya.
Si Fr. Pascual ay naging aktibo sa pamamahagi ng tulong gaya ng mga foodpacks at gift certificates katuwang ang mga pribadong sektor sa pagsisimula pa lamang ng lockdown noong Marso ng nagdaang taon.