193 total views
Nanawagan sa pamahalaan si Balanga Bishop Ruperto Santos, Chairman ng CBCP-Episcopal Commission on Migrants and Itinerant People,na bigyang pansin ang kalagayan ng mga Filipinong nahatulan ng death penalty sa iba’t ibang bansa bago pa mahuli ang lahat.
Ayon sa Obispo, tungkulin ng pamahalaan na tulungan, ipagtanggol at ayudahan ang bawat Filipino saan mang panig ng mundo kaya nararapat lamang na agad na kumilos ang pamahalaan upang tulungan ang mga OFW na nakakulong sa iba’t ibang bansa.
“Ang ating kahilingan sa ating pamahalaan ay huwag nalang hintayin pa na darating yung execution date at kung kelan pa nagkaroon ng sentence ay saka tayo kikilos, hangga’t may panahon at hangga’t maari, hanggang ngayon gawin na natin lahat ng ating magagawa upang sila ay tulungan, sila ay ipagtanggol at sila ay makalaya, at gamitin na natin ang lahat ng ating maitutulong mayroon naman tayong mga pondo para dyan, gamitin na natin huwag na tayong maghintay pa..” pahayag ni Bishop Santos sa Radio Veritas
Lumabas sa pag-aaral ng Amnesty International na tumaas ng 54 na porsyento ang naitalang bilang ng mga Pilipinong nasa death row na noong 2015 ay umabot sa 1,634.
Sa tala, nagmula sa mga bansang Iran, Pakistan at Saudi Arabia ang 89 na posryento o higit 1,400 na kaso ng execution mula sa buong mundo.
Samantala, batay naman sa datus ng Migrante International, mahigit sa 100 na ang bilang ng mga Overseas Filipino Workers na nasa Death Row o nahaharap sa parusang kamatayan sa iba’t ibang bansa na karamihan ay may kasong Drug Trafficking.
Magugunita namang bukod sa parusang kamatayan, hindi rin sang-ayon ang Kanyang Kabanalan Francisco, sa hatol na habang buhay na pagkabilanggo na labag sa dignidad ng tao at pagkakaroon ng panibagong pagkakataon sa buhay.