175 total views
Bagsak ang grado na ibinigay ng Green Thumb Coalition para sa unang taong panunungkulan ng Duterte Administration.
Ayon kay Gerry Arances, Convenor ng Center for Energy Ecology and Development na miyembro ng G-T-C, 11 lamang ang natupad ni Duterte sa 60 bagay na inaasahan ng grupong kayang gawin ng administrasyon.
“Talagang lagapak at ito yung grado na inilabas ng Green Thumb Coalition at kalunos lunos dahil ito yung bagay na tingin namin ay kayang kaya nung administrasyon ay hindi niya nagawa, at sablay dahil tinimbang namin yung para sa karapatan, para sa kalikasan, para sa kinabukasan ng sambayanang Filipino ay kulang na kulang,” pahayag ni Arances sa Radyo Veritas.
Gayunman, nakahanda namang magbigay ng mga mungkahi ang G-T-C upang maipaliwanag sa administrasyon ang mga maaari nitong gawin para sa ikabubuti ng kalikasan lalo na sa nalalapit na ikalawang State of the Nation Address ni President Rodrigo Duterte.
Kaalinsabay ng SONA ng pangulong Duterte, ilulunsad ng Green Thumb Coalition ang “Green Sona”.
“Maglulunsad ang Green Thumb Coalition ng tinatawag na Green SONA at magpapaabot ng aming assessment at kung anu pa yung pwedeng gawin kung lumalabas nga ay palpak yung gobyerno sa unang taon nya pagdating sa environmental front, kumbaga ang ineexpect namin ay dapat mas maraming aksyon,” dagdag pa ni Arances.
Matatandaang sa unang SONA ni Pangulong Duterte ipinag-utos nitong siyasatin ang mahigit 40 minahan sa bansa, at suspindihin o ipasara ang mga mapatutunayang umabuso at sumira sa kalikasan.
Bukod dito, kabilang din sa tinukoy ng Pangulo ang paglilinis sa Laguna Lake upang mabigyan ng pagkakataong makinabang sa biyaya ng lawa ang mga mahihirap na mangingisda.
Nauna rito, pasang-awa din ang ibinigay na grado ng iba’t-ibang sektor kay Pangulong Duterte sa unang taong panunungkulan.
Read: PDU30 Performance scorecard, incomplete
Sa Laudato Si ni Pope Francis, binigyang diin ng Santo Papa ang mahalagang gampanin ng pamahalaan na syang nagpapatupad ng mga batas na poprotekta at nangangalaga sa kalikasan.