349 total views
Binigyan ng bagsak na grado ng makakalikasang grupong Alyansa Tigil Mina ang pamumuno ng Administrasyong Duterte sa nakalipas na mga taon.
Ayon kay ATM National Coordinator, Jaybee Garganera, inilalarawan nilang isang malaking kabiguan ang pamumuno ni Pangulong Rodrigo Duterte lalo na sa pagpapatupad ng mga batas para sa pangangalaga sa kalikasan.
Tinukoy ni Garganera ang Department of Environment and Natural Resources na dapat manguna sa pangangalaga sa kalikasan, ngunit hindi ito ang naging layunin ng kagawaran partikular na pagpapahintulot na muling makapagsagawa ng pagmimina sa bansa.
“Dismayado kami kasi binaliktad na lahat ng DENR sa ilalim ni Roy Cimatu ang mga polisiya sa pagmimina. So mas mabilis na ang pagpayag sa mga mining contracts at mas marami nang minahan ang papayagan,” bahagi ng pahayag ni Garganera sa panayam ng Radio Veritas.
Dagdag pa ni Garganera na ang Pilipinas pa rin ang pinaka-mapanganib na bansa para sa mga tagapagtanggol ng kalikasan sapagkat hindi binibigyang-pansin ng Administrasyong Duterte ang pangangalaga sa karapatang pantao, partikular na sa mga environmental activist.
“Palpak at halos naging inutil din ang gobyerno para pangalagaan ang karapatang pantao lalo na nung mga environmental activist. Pinakadelikadong bansa pa rin ang Pilipinas para sa mga naninindigan para sa kalikasan,” saad ni Garganera.
Samantala, hindi na rin kumbinsido ang grupo na sa natitirang isang taong termino ni Pangulong Duterte ay mabibigyan pa ng pansin ang pangangalaga sa kalikasan, lalong-lalo na sa karapatang pantao.
Sinabi ni Garganera na mas pagtutuunan ng pamahalaan ngayon ang economic recovery mula sa epekto ng pandemya na ang una ring maaapektuhan ay ang likas na yaman ng bansa.
“Wala na kaming pag-asa na magbabago pa ang pananaw tsaka ‘yung kilos nitong Duterte Administration pagdating sa kalikasan… Isasakrispisyo ang mga gubat, tubig, mga taniman, ‘yung ating mga pangisdaan para lang doon pumunta ang mga puhunan, ang mga korporasyon kasi nananaig ngayon sa Administrasyong Duterte ‘yung usaping economic recovery,” ayon kay Garganera.
Kaugnay nito, ngayon ang ika-anim at huling State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Duterte na hudyat din ng huling isang taong termino ng administrasyon nito.