278 total views
Nananawagan si Novaliches Bishop Emeritus Teodoro Bacani sa mamamayang nakakaangat sa buhay bunsod ng patuloy na pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin sa bansa.
Ayon sa Obispo, labis na naapektuhan ang sektor ng mahihirap sa mataas na inflation rate sa Pilipinas lalo’t karamihan dito ay kumikita ng mas mababa sa itinakdang minimum wage sa bansa.
“Kapag ka ganyan na tumataas ang Inflation Rate sa bansa natin yung ating mga kapatid na nakaangat sa buhay, tulungan naman nilang itaas ang naibibigay nila sa mga Ordinaryong manggagawa i-adjust ang Salary.” pahayag ni Bishop Bacani sa Radio Veritas.
Ibinahagi ng Obispo ang pagbibigay umento sa sahod ng kanyang driver kasunod na rin sa naitalang 6.4-porsiyentong pagtaas ng inflation na nagdulot ng mataas na presyo ng mga bilihin sa bansa noong Agosto.
Batay sa ulat ng Philippine Statistics Authority, ito na ang pinakamataas na naitalang inflation rate sa nakalipas na siyam na taon at nanatiling kabilang ang produktong agrikultura sa may pinakamabilis ang pagtaas ng presyo.
Ipinaliwanag ng Obispo na maging ang mga mamumuhunan ay nagsasabing malaki ang epekto sa Ekonomiya ng bansa ang mga polisiya at pag-uugali ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Dahil dito nanawagan si Bishop Bacani sa Pangulo na ayusin ang pamamahala sa bansa upang maiangat ang kalagayang panlipunan, pang-ekonomiya, at maibsan ang paghihirap ng mamamayan.
Sa panawagan ng Simbahang Katolika, dapat paglingkuran ng Ekonomiya ang tao at ang pangkalahatang kapakanan na naaayon sa dignidad at sapat na paggalang sa buhay ng tao.