2,599 total views
March 31, 2020, 9:19AM
Hiniling ng pinuno ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines – National Secretariat for Social Action Justice and Peace/Caritas Philippines sa pamahalaan na paigtingin ang testing sa mamamayan upang agad na masugpo ang pagkalat ng corona virus disease.
Ayon kay Kidapawan Bishop Jose Colin Bagaforo, ang chairman ng komisyon, dapat gamitin ng Pangulong Rodrigo Duterte ang emergency power o ang Bayanihan to Heal as One Act.
“We demand two things from this government: 1. COVID testing for all, that we know who are carriers of COVID, then we can separate them and flatten the curve; 2. Hospital facilities: space, PPE, respirators and medicines (to boost patients’ immunity),” pahayag ni Bishop Bagaforo sa Radio Veritas.
Ika – 25 ng Marso ng lagdaan ng punong ehekutibo ang panukalang magbibigay ng special power kung saan kabilang dito ang pagbibigay ayuda sa mga low income Filipino ng lima hanggang walong libong pisong emergency cash aid o nakadepende sa minimum wage sa kanilang rehiyon at ang pagtiyak na mabigyan ng special risk allowance ang mga health workers na bukod sa hazard pay.
Umaasa rin si Bishop Bagaforo na bumuo ang pamahalaan ng grupong tutugon at nakatutok sa kasalukuyang krisis bunsod ng COVID 19.
“It would be best for the government to set up a multi-sectoral command council that will address this crisis now,” saad ni Bishop Bagaforo.
Mungkahi ng obispo na ito ay pagtutulungan ng lahat ng sektor mula sa pagnenegosyo, simbahan, pambayan, academe at iba pang grupo na maaring makatutulong sa sitwasyon.
Sa pinakahuling tala umabot na sa halos 800, 000 ang bilang ng positibong kaso sa buong mundo kung saan 21 porsyento dito ang gumaling na sa karamdaman habang apat na porsyento lamang ang nasawi.
Sa Pilipinas nasa 1, 546 ang kaso ng COVID 19, 78 dito ang nasawi at 42 naman ang tuluyang gumaling makaraang nagnegatibo na sa mga pagsusuring ginawa.
“Now is the time for public and private partnership, we need all hands to confront COVID 19 and its consequences to our people, not only the disease but its effect in the society now,” dagdag ni Bishop Bagaforo.
Naunang kumilos ang simbahang katolika sa pag-agapay sa mga mamamayang apektado ng COVID 19 sa pagpapatupad ng Luzon wide enhanced community quarantine na layong mapigilan ang paglaganap ng virus.
Pingunahan ng Caritas Philippines at Caritas Manila ang pagpapabot ng tulong partikular sa mga maralitang tagalunsod na nawalan ng pagkakakitaan dahil sa sitwasyon.