167 total views
Pinaalalahanan ni Magdalo Partylist Representative Gary Alejano ang Pangulong Rodrigo Duterte na siya ang ama ng bansa at dapat manilbihan hindi lamang sa iilan kundi sa buong sambayanan.
“We should understand na kahit sino pang hindi bumoto kay President Duterte ay siya ang Presidenteng nakaupo. Hindi ibig sabihin na hahatiin natin ang bansa na sa mga bumoto lamang sa kanya,” ayon kay Alejano.
Iginiit ni Alejano na dapat maintindihan ng Pangulo na ang pagkakaroon ng oposisyon o mga kritiko sa bawat administrasyon ay nagsisilbi para punahin ang maling polisiya, at mga kakulangan ng pamahalaan.
“Dahil kung anuman ang gagawin ng presidente apektado ang lahat bumoto man o hindi. Siya na nga ang Pangulo, siya na nga ang tatay natin, gusto man natin o hindi,” ayon kay Alejano sa panayam ng Veritas Pilipinas.
Ayon sa mambabatas sa panayam ng Veritas Pilipinas, inaasahan ng mga Filipino na tutugunan ng pangulo ang mga problema ng bansa tulad ng pagtaas sa presyo ng mga bilihin sa halip na isulong ang personal na galit sa mga kritiko.
“Ine-expect natin ang Pangulo na tugunan ang mga pangunahing problema sa bansa especially now na may pagtaas ng mga bilihin, kakulangan ng mga isda at murang bigas. Kahit tayo ay archipelagic nation ay kulang tayo sa pagkain ngayon yung ang gusto nating marinig sa Pangulo kaysa sa binabalikan niya ng personal ang mga kritiko ng administrasyon,” ayon kay Alejano.
Nadismaya ang maraming Pilipino ng kanselahin ang nakatakdang press conference sa Malacanang na naging one-on-one interview kasama si Chief Legal Counsel Salvador Panelo.
Sa talakayan, ipinagtanggol ng Pangulo ang ipinapatupad na tax measures na kailangan ng bansa para tustusan ang mga proyekto ng gobyerno.
Sinabi rin ng Pangulo na ang solusyon sa pagtaas ng presyo at kakulangan ng bigas ay ang pag-aangkat mula sa ibang bansa.
Habang paulit-ulit na binanggit ng pangulo ang kanyang numero unong kritiko na si Senator Trillanes at paninindigan sa pagpapawalang bisa ng amnesty laban sa dating mutineer.
Hinamon din ng Pangulong Duterte ang Armed Forces of the Philippines na mag-aklas kung pumapanig sila kay Trillanes at naniniwalang hindi siya karapat dapat bilang pinuno ng Pilipinas.
Sa panlipunang katuruan ng Simbahang Katolika dapat na pinaiiral sa lipunan ang pagkakaisa tungo sa mapayapa at makatarungang pamayanan.
Hinihikayat naman ni Pope Francis sa kaniyang mga mensahe sa mga kristiyano na patuloy na ipanalangin ang mga lider ng pamahalaan sa kabila ng pagkakaiba ng paniniwala, polisiya at grupong pulitikal na kinaaniban.