230 total views
Ang kapakanan ng bayan ang dapat na mas unahin ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte at hindi ang pamumulitika.
Ito ang binigyang diin ni Novaliches Bishop Emeritus Teodoro Bacani Jr., isa sa mga 1987 Constitutional framer sa usapin ng pagbawi sa Amnestiya at pagpapahuli kay Senator Antonio Trillanes the 4th na kilalang kritiko ng Administrasyon.
Iginiit ng Obispo na hindi maaring gawin ni Pangulong Duterte ang lahat ng kanyang naisin dahil mayroong umiiral na batas sa bansa na nararapat sundin maging ng pinakamataas na opisyal ng pamahalaan.
Dahil dito umaasa si Bishop Bacani na matauhan ang Pangulo sa kanyang mga kahiya-hiyang paraan ng pagganti.
“Palagay ko baka ang dahilan niyan ay more personal reason pagkakataon niyang ito ay makaganti siya sa number 1 na kalaban niya kanya lang napahiya ang Presidente dito talagang kahiya-hiya ang kaniyang ginawa, sana naman matauhan na siya hindi niya pwedeng gawin ang lahat ng gusto niyang gawin, dapat itama niya ang gagawin at lalong lalo na unahin sana ang kapakanan ng bayan…” pahayag ni Bishop Bacani sa Radio Veritas
Kaugnay nito, nasasaad sa Proclamation No. 572 na nilagdaan ni Pangulong Duterte noong August 31, 2018, na walang bisa mula pa simula ang amnestiya na ipinagkaloob kay Senator Trillanes noong 2011.
Inaasahan ng Obispo na matauhan ang Pangulo sa kanyang mga dapat na iprayoridad bilang pinakamataas na Opisyal ng bayan.