186 total views
Hindi maiiwasang maikumpara ang Pangulong Rodrigo Duterte sa isang “diktador” dahil sa desisyon nitong putulin ang relasyon sa Amerika lalo na sa usaping ekonomiya at suportang militar.
Ito ang naging pahayag ng dating pangulo ng CBCP at Lingayen, Dagupan Archbishop Emeritus Oscar Cruz sa pagkalas ni Pangulong sa Amerika at paboran ang China.
Nilinaw ni Archbishop Cruz na dapat munang ikonsulta ng Pangulong Duterte ang mga pahayag nito sa hudikatura at lehislatura.
Ayon sa Arsobispo, lumalabas na lahat ay idinidikta na lamang ng Pangulo ang sarili nitong desiyon ng walang konsultasyon o hindi man lang naidadaan sa proseso ng dalawa pang sangay ng pamahalaan.
“Halimbawa yung mga treaty, agreement, etc., hindi naman lahat ng ito ay puwedeng executive department lang, kailangan dadaan pa sa legislative department kung hindi ‘diktador’ yan. Ibig sabihin lahat nalang ay executive department walang pakialam ang judicial pati legislative lalo na sa mga pahayag ng ating pamunuan sa ngayon,” bahagi ng pahayag ni Archbishop Cruz sa panayam ng Veritas Patrol.
Iginiit pa ng dating CBCP president na sawang – sawa na rin siya sa presensiya ng Estados Unidos lalo na sa pagtatayo nito ng mga base militar na umaabot na sa lima ngunit pinangangambahan nito na maaring ikapahamak ng bansa ang desisyon lalo sa girian ng US at China.
Nakatitiyak rin ang Arsobispo na maaari ring gamitin ng Amerika ang pang – ekonomiyang potensiyal sa Asya Pasipiko lalo’t ayon sa US Geological survey na tinatayang may kabuuang 21,632 milyong bariles ng langis pa ang di nadidiskubre sa rehiyong ito na makakapagpa-angat sa kinalulugmukan nitong krisis pinansiyal.
“Ako man ay pagod na pagod na sa kano, ako man kay Uncle Sam ay sumusuko na rin. Ang sabi ko lahat ng yan kailangan ay idaan sa legislative department. Hindi basta – basta kung ano ang gusto ng executive ay siyang gagawin, siyang sasabihin at siyang tutuparin,” giit pa ni Archbishop Cruz sa Radyo Veritas.
Ayon sa pandaigdigang survey ng WIN/Gallup International para sa taong 2013, US ang tinitingnan ng mga mamamayan ng mundo bilang pinakamalaking banta sa kapayapaan ng mundo.
Kaya’t patuloy namang ipinanawagan ng kanyang Kabanalan Francisco sa United Nations na kailangang mapanatili ang pakikipag – dayalogo sa mga bansang may banta ng kaguluhan upang mangibabaw ang kapayapaan.