402 total views
Umaasa ang isang opisyal ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines na gamitin rin ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang kanyang kapangyarihan na magkaloob ng ‘absolute pardon’ sa mga Filipinong bilanggo na karapat-dapat ng pagkalooban ng kapatawaran.
Ito ang pagninilay ni Archdiocese of Manila Apostolic Administrator Bishop Broderick Pabillo kaugnay sa Mabuting Balita para sa ika-24 na linggo sa karaniwang panahon kung saan nasasaad sa Mateo -kabanata 18 talata 21 hanggang 35 – ang pagkakaloob ng kapatawaran hindi lamang ng pitong ulit kundi pitumpung ulit pa nito.
Ayon sa Obispo, kung binigyan ng Pangulo ng absolute pardon si US Marine Joseph Scott Pemberton na nahatulan ng 10-taong pagkabilanggo noong Disyembre 2015 matapos patayin ang transgender na si Jennifer Laude ay dapat ding itong gamitin para sa mga Filipinong bilanggo.
Sinabi ni Bishop Pabillo na isa rin itong paraan upang mapaluwag o ma-decongest ang mga bilangguan sa bansa.
“Ang Presidente ng bansa ay mayroon ngang karapatan at kapangyarihan na magbigay ng absolute pardon, he exercise this power to Pemberton and also to other prisoners, pero ang daming mga Filipino sa mga bilanguan natin na natutulog ang mga kaso nila, bakit hindi gamitin ang prerogative na ito na magpatawad para bigyan ng pag-asa ang mga bilanggo at ma-decongest pa ang ating mga bilangguan na punong-puno, umaapaw pa beyond their natural capacity.”pagninilay ni Bishop Broderick Pabillo sa Healing Mass sa Radio Veritas.
Iginiit ng Obispo na maraming matatandang may sakit at matagal ng bilanggo ang napapabayaan sa loob ng mga bilangguan na nangangailangan ng kapatawaran at awa tulad ng ipinagkaloob ng Pangulo kay Pemberton.
Binigyang diin rin ni Bishop Pabillo na dapat na maging patas at makatarungan ang pagkakaloob ng pangalawang pagkakataon sa lahat ng mga bilanggo na pawang nagkasala at pinagbabayaran na ang nagawang kasalanan.
Ibinahagi ng Obispo na ang usapin ng pagpapatawad ay hindi lamang usapin ng relasyon sa kapwa at sa Panginoon kundi kinakailangan ring tingnan ang kalagayan ng lipunan o ng pangkalahatan.
“Maraming napapabayaan sa mga bilangguan na matatanda na at mga may sakit pa, should not be pity shown to them? If really there is such a virtue of forgiveness in our government, why not exercise this for so many who are languishing in our jails, so many Filipinos. So as we can see ang usapin ng pagpapatawad ay hindi lang usapin ng relasyon natin sa Diyos at relasyon natin sa kapwa ito ay usapin din sa kalagayan ng lipunan.”Dagdag pa ni Bishop Pabillo.
Matatandaang taong 2014 ng hinatulang nagkasala ng homicide si Pemberton matapos mapatay si Laude.
Sa tala ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) aabot na sa mahigit 100,000 ang bilang ng mga bilango sa higit 400 kulungan sa bansa na nakalaan lamang para sa 26,000 inmates.
Sa panlipunang katuruan ng Simbahan, ang mga presinto at piitan ay hindi dapat na magsilbing tapunan o lagakan ng mga nagkamaling indibidwal sa halip ay lugar kung saan muling maiaangat ang kanilang dignidad at kalagayan para sa muling pagbabalik ng kabutihan.