356 total views
Nanindigan ang Diyosesis ng Borongan laban sa lahat ng uri ng pagmimina sa bansa dahil ito ay nakakasira sa kalikasan.
Ito ang pahayag ng diyosesis sa pangunguna ni Bishop Crispin Varquez kaugnay sa pagpapatigil ng gobyerno sa 9-year moratorium ng pagmimina.
Sa liham pastoral ni Bishop Varquez dismayado ito sa hakbang ng administrasyong Diterte na hindi dumaan sa konsultasyon ang pag-alis moratorium sa pagmimina partikular sa mga lugar na naapektuhan.
“As the Local expression (Diocese of Borongan) of the Body of Christ, I, your Bishop, our Clergy and our responsible Lay Leaders oppose this move from our government. We stand strongly against all mining in the Philippines and particularly in Eastern Samar.” bahagi ng liham pastoral ni Bishop Varquez.
Binigyang diin ng obispo ang mga dahilan ng pagtutol ng simbahan sa pagmimina.
Partikular na tinukoy ng diyosesis ang mga pagmimina sa nasasakupang lugar gaya ng sa Bagacay Samar at sa Homonhon Island kung saan nananatiling mahirap ang mga residente sa mga nabanggit na lugar subalit labis ang pagkasira ng kalikasan.
Iginiit ng obispo na bukod tanging iilang indibidwal lamang ang nakikinabang sa pagmimina.
“It is clear that only very few capitalists/investors and some people in government get the lion’s share of mining profits. Locals may be temporarily employed or benefited. But the long-term consequence of a devastated landscape is also incalculable and irreversible,” dagdag pa ng obispo.
Batay sa mga pag-aaral, kakaunti ang naiambag ng pagmimina sa kabuuang ekonomiya ng bansa at hindi rin ito nakapaglikha ng pangmatagalang hanapbuhay sa mamamayan sapagkat naitala lamang sa isang porsyento ang mga manggagawa nito sa pangkabuuang workforce ng bansa.
Naitala rin sa mga ‘host mining’ na mga lalawigan ang mataas na ‘poverty incidence’ na ayon sa National Government Revenues – Tax Revenues hindi lalampas sa dalawang porsyento ang ambag ng pagmimina sa kabuuang kita ng pamahalaan.
Panawagan ng diyosesis sa mga mamamayan at maging sa mga lider ng bansa na manindigan para sa kapakanan ng mamamayan at kalikasan at isantabi ang pansariling interes.