192 total views
Nagpahayag ng pangamba ang isang opisyal ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines o CBCP na muling manaig ang karahasan sa kampanya ng pamahalaan laban sa illegal na droga.
Ito ang reaksyon ni Manila Auxiliary Bishop Broderick Pabillo, chairman ng CBCP – Episcopal Commission on the Laity matapos sibakin ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte si Vice President Leni Robredo bilang Co-Chairman ng Inter-Agency Committee on Anti-Illegal Drugs (ICAD).
Nangangamba ang Obispo na maaring magpatuloy ang mga pagpaslang sa kampanya kontra iligal na droga sa pagkakatanggal sa bise presidente na nagsusulong ng rehabilitasyon para sa mga drug addict.
“Ang nakakatakot lang na baka ngayon na natanggal na si Leni at sinabi ni Leni she is for rehabilitation baka naman bumalik tayo sa mga pagpapapatay, kawawa na naman yung mga mahihirap…” pahayag ni Bishop Pabillo sa panayam sa Radyo Veritas.
Iginiit ni Bishop Pabillo na naunang nasaksihan ng sambayanan na hindi epekto ang marahas na pagsugpo ng administrasyong Duterte sa illegal na droga.
Ipinaalala ng Obispo na ipinangako ng Pangulo noong panahon ng kampanya na tatapusin niya ang problema sa iligal na droga sa loob ng anim na buwan na hindi natupad makaraan ang mahigit 3-taon.
“Alam naman natin na ang pamamaraan niya sa droga ay hindi naman mabisa sa dalawang taon at kalahati, noong kampanya sinabi niya bigyan niyo ako ng anim na buwan kundi magre-resign ako. Tapos sabi niya isang taon siguro mawala at ngayon may dalawang taon at kalahati na wala pang nagagawa ang dami nilang pinatay at nandyan pa yung problema kaya talagang hindi naman ina-address ang kanilang pamamaraan,” Dagdag pa ni Bishop Pabillo.
Nilinaw ng Obispo na ang pagtanggal ng Pangulo kay Robredo ay nagpapakita ng pabigla-bigla at hindi pinag-iisipang desisyon ni Pangulong Duterte.
Bukod dito, inihayag rin ni Bishop Pabillo na kapansin-kapansin ang tila “insecurity” ni Pangulong Duterte sa pakikipag-ugnayan ni Robredo sa iba’t-ibang grupo at sa mga eksperto sa Estados Unidos upang epektibong masugpo ang illegal na droga sa bansa.
“Nakikita rin siguro ang insecurity ng Presidente kasi sa loob lang ng dalawa, tatlong linggong ito marami ng nagawa si Leni nakipag-usap na siya sa iba’t ibang grupo sa US counterpart, sa UN na nakipag-usap na siya sa iba tungkol sa rehabilitation, nanawagan na siya sa mga NGO na tumulong at marami ng suporta ang lumalabas at siguro nai-insecure siya.” paglilinaw ni Bishop Pabillo.
Tinukoy din ni Bishop Pabillo ang “insecurity” ng Pangulong Duterte sa mga kababaihan tulad ng mga kontrobersyal na kaso nila Senator Leila De Lima, Australian Missionary Nun na si Sr. Patricia Fox at former Supreme Court Chief Justice Ma. Lourdes Sereno.
Ika-6 ng Nobyembre ng pormal na tanggapin ni Robrero ang hamon ng pangulong Duterte na pangunahan ang kampanya laban sa ilegal na droga bilang Co-Chairperson ng Inter-Agency Committee on Anti-Illegal Drugs.
Layon ng bise-Presidente na maitama at maisaayos ang marahas na implementasyon ng war on drugs kung saan mahigit 25-libong indibidwal na ang nasawi.
Naunang binatikos ni Department of Foreign Affairs Secretary Teodoro Locsin si CBCP President Davao Archbishop Romulo Valles matapos na manawagan ng panalangin sa tagumpay ng kampanya laban sa illegal na droga sa ilalim ng pamumuno ni Vice President Robredo.