271 total views
Umaasa ang Promotion of Church Peoples Response (PCPR) na ang personal na pag-amin ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte ng kanyang kasalanan kaugnay sa Extra Judicial Killings sa bansa ay makatulong upang tuluyang imbestigahan ng International Criminal Court ang crime against humanity ng administrasyong Duterte.
Ito ang inihayag ni PCPR spokesperson Nardy Sabino sa kontrobersyal na pag-amin ni Pangulong Duterte.
Iginiit ni Sabino na napakahalaga para sa kapamilya ng mga biktima na nasawi sa war on drugs ng pamahalaan ang naging pag-amin ni Pangulong Duterte na siyang may kasalanan sa hindi maabatang EJK sa bansa.
“Mahalaga sa amin yun lalo na sa mga biktima kasi siya mismo ay umaamin, nahuhuli sa bibig yung salarin, umaasa kami na lahat ng yun mula doon sa IPT, yung pag-amin ni Pangulong Duterte ay makakadagdag ng substance at saka ng merito doon sa pagdidesisyon ng prosecutor para imbestigahan na si Pangulong Duterte hinggil sa kanyang kasalanan, yung crime against humanity…” pahayag ni Sabino sa panayam sa Radyo Veritas.
Inihayag ni Sabino na ang pag-amin sa publiko ni Pangulong Duterte ay isang malinaw na patunay na tama ang guilty verdict ng International People’s Tribunal (IPT) hinggil sa mga paglabag sa karapatang pantao ng Duterte administration.
Bukod dito, naaangkop lamang ang naging pag-amin ni Pangulong Duterte sa inihaing kaso sa International Criminal Court hinggil sa mga pang-aabuso sa karapatang pantao sa bansa.
Gayunpaman, inaasahang isusumite ang naturang hatol at findings ng International People’s Tribunal (IPT) sa United Nations Human Rights Council, European Parliament at International Criminal Court sa The Hague kung saan mayroong inihaing kaso laban sa Pangulo.
Sa tala mismo ng Philippine National Police, umaabot na sa mahigit 20-libong indibidwal ang bilang ng mga napatay sa ilalim ng war on drugs ng administrasyong Duterte na nagsimula noong 2016.
Kaugnay nito, umaasa si CBCP Vice President Caloocan Bishop Pablo Virgilio David na pagsisihan ni Pangulong Duterte ang kanyang mga kasalanan matapos niyang aminin sa publiko ang kanyang pagkakasala kaugnay sa Extra Judicial Killings sa bansa.