227 total views
Maipagmamalaki pa ba ang ipinakitang pag-uugali ng Pangulong Rodrigo Duterte?
Ito ang katanungan ni Novaliches Bishop-emeritus Teodoro Bacani Jr. sa mamamayan kaugnay sa mga pagsisinungaling, pagsasalita ng masama at pag-aakusa ng walang katotohanan ng Pangulong Duterte.
Ayon kay Bishop Bacani, hindi na biro ang nangyayari na makatanggap ng maraming banta sa kaniyang buhay si Kalookan Bishop Pablo Virgilio David dahil na rin sa magkasunod na pahayag ng Pangulo na pagnakawan at paslangin ang mga Obispo.
Sa pahayag ni Bishop Bacani, maari ngang nagbibiro ang pangulo, ikalawa nagbibiro at nagkaroon na ng epekto sa kaniyang isipan ang mga iniinom na gamot tulad ng fentannyl.
Itinuturing din ng Obispo na “inciting to murder at robbery” kung totoo ang pahayag ng Pangulong Duterte na holdapin at patayin ang mga Obispo.
“Kung seryoso ‘yan ay masama dahil ‘yan ay inciting to murder and to robbery at dapat panagutan niya iyan. Ikalawa, pwede naman na siya’y nasisraan na ng isip. I cannot take that away at sapagkat sya na rin ang nagsabi na nagpe-fentannyl sya ay baka naman naapektuhan na ang kaniyang isip. Kung ganun, hindi na siguro siya dapat na maging presidente. Ikatlo, baka nagbibiro lang. At eto muli sinabi nya, akalain mo naman pagkatapos nya dalawang beses na sabihin nyang patayin ang mga obispo at mga pari e, pagkatapos sasabihin nya na pagpumatay kayo ng pari ako ang makakalaban nyo,” ayon sa pahayag ni Bishop Bacani sa panayam ng programang Pastoral Visit sa Radio Veritas.
Ipinaliwanag ng Obispo na ang ganitong mga pahayag at paratang ay hindi naakma sa isang Pangulo ng bansa lalu na’t maaring maka-impluwensya ito sa kaniyang mga tagasunod at panatiko sa paggawa ng masama.
“Ikaw ang presidente, ang mga tao baka madala mo sa iyong pananalita at hindi mo nalalaman na may ilang panatiko o siraulo nab aka tuparin ang sinasabi ng presidente. At nakikita na natin ngayon ‘yan ang nangyayari kay Bishop David na talaga namang pinutakte ng threats sa kaniyang buhay. Kaya isa lamang sa tatlo.” dagdag pahayag ni Bishop Bacani
Kinumpirma naman ni Kalookan Bishop Pablo Virgilio David na nakakatanggap siya ng banta sa kanyang buhay.
Ayon kay Bishop David – Vice President ng Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) ang unang banta ay natanggap niya dalawang linggo na ang nakalilipas.
Sa loob ng may tatlong taong panunungkulan ng Pangulong Duterte ay makailang beses na nitong tinuligsa ang mga obispo, pari, simbahan at maging ang Panginoon.
Una na ring inamin ng Pangulo na isa siya sa naging biktima ng pang-aabuso ng isang paring katoliko noong kaniyang kabataan.
Pangunahin ding kritiko ng pamahalaan ang simbahan dahil sa patuloy na pagtaas ng bilang ng mga napapaslang na may kinalaman sa ilegal na droga.
Sa kabila ng mga banta at hindi magagandang salita ng Pangulong Duterte, naninindigan ang mga obispo at lingkod ng simbahan sa pagpuna sa ‘war against drugs policy’ ng administrasyon.
Tiniyak naman Bishop David na hindi magiging hadlang ang mga banta sa kanyang buhay para ipagtuloy ang kaniyang tungkulin bilang pastol ng simbahan.