368 total views
May pagkakataon pa si Pangulong Rodrigo Roa Duterte na maging mabuting lider at pinuno ng bansa sa natitirang isang taon ng kanyang termino bilang pangulo ng Pilipinas.
Ito ang binigyang diin ng social action arm ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines kaugnay sa natitirang isang taon sa katungkulan ng administrasyong Duterte.
Ito ang inihayag ni Kidapawan Bishop Jose Colin Bagaforo – National Director ng NASSA/Caritas Philippines, bagamat hindi na ganap na magkakaroon ng pagbabago sa kasalukuyang buhay ng mga Filipino.
Gayunman, sinabi ng Obispo na may isang taon pa ang Pangulong Duterte na bawiin o ipatigil ang ilang ipinatupad na polisiya at magpamalas ng kabutihan, kagandahang-asal at integridad.
Iginiit ng Obispo na napapanahon na rin upang magkaroon ng pananagutan ang administrasyon sa mga pagkakamali at pagkukulang nito sa mamamayang Filipino.
“It won’t make any difference now to the lives of the Filipino people even if he gives marching orders to pass his priority legislations, or even to retract his socio-economic policies. It will matter however if, at least for what remains of his term, he will show decency and integrity.” pahayag ni Bishop Bagaforo.
Partikular namang tinukoy ni Caritas Philippines executive secretary Rev. Fr. Antonio Labiao Jr. ang ginawang pagpapatigil ng pamahalaan sa 9-year moratorium ng pagmimina sa bansa bilang isa sa sumasalamin ng kapabayaan ng administrasyong Duterte sa kapakanan ng taumbayan mula sa pagkasira ng kalikasan.
Matatandaang Abril ng kasalukuyang taong 2021 ng nilagdaan ni Pangulong Duterte ang Executive Order No. 130 kung saan winakasan ang moratorium sa mga bagong mining agreements na pinangangambahan naman higit na magdulot ng malawakang pinsala sa natural na angking yaman ng kalikasan.
“The lifting of the 9-year mining moratorium also reflects how negligent the present administration is of the international appeal to run after and stop ecological injustices,” Pagbabahagi ni Fr. Antonio Labiao Jr.
Umaasa naman ang Pari na sa halip na sa pamumulitika ay gamitin na lamang ni Pangulong Duterte ang kanyang natitirang isang taon sa katungkulan upang mapag-isa ang buong bansa lalo na sa pagharap sa patuloy na krisis na dulot ng COVID-19 pandemic.
“He needs to focus his energy in uniting the country as we still grapple from the devastating effects of the pandemic.” Dagdag pa ni Fr. Labiao.
Kaugnay nito, maituturing ang ika-6 at huling State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte na hudyat ng huling isang taon sa termino ng administrasyon at simula ng paghahanda sa nakatakdang National and Local Elections sa susunod na taon